Para sa Susunod (kong tanga), with Love (and sermon) II

Posted: June 26, 2011 in kapag tumibok ang puso, para sa Susunod, Tindahan ni Manong
Tags: , , , , ,

Para sa Susunod,
(a.k.a. Ang Aking Trulab)

Napaka-walanghiya mong talupandas ka. NASAAN KA NA?!

Kung hindi ka ba naman tonta (tonto!), saang singit ng kalawakan ka ba nagsususuot at hindi ka makarating-rating dito? Ha? Wala ka bang sense of direction, lintek ka? Ha? Ano, tanga lang? Ha? Bobo lang? Leche. Napiga na lahat ng kapaitan sa katawan ko’t niyakap ko na ang pangako ng bagong umaga, wala ka parin, mokong ka sarap mong sampalin. Utak mo yata nasa pwet. Ano ba.

Ay, emotions lang? Four hundred percent lang?

Imbyerna ka, eh. Ha. Sapakin kita, eh. Ha.

Inhale, exhale. Inhale, exhale. Ayan. Kalmado nako. Bawal magwala? Bawal? Umaabot ba dyan yung angas ko? Sana nga. Diba, nang matauhan ka.

Kumusta ka na? Ako kasi, masaya ako sa buhay ko. Sunod-sunod ang biyaya sa akin. Madaming nagmamahal sa akin, at madami din akong minamahal. Paminsan hindi na kita hinahanap, kasi parang waley na kong K na maghanap pa ng kahit na ano o sino. Sa dinami-dami ba naman ng biyaya eh, kapal naman ng fez ko kung mag-request pa ko ng bonus diba? Pasensya na ha, kasi bihira na nga lang kita hanapin, tapos babangasin ko pa pagkatao mo sa mga konting sandaling naaalala kita. Kaw kasi eh. Tagal mo. Dami nang nauna sayo, o. Hindi man trulab, eh lab parin. Napagtantuan ko kasi na kaya palang magmahal ng daan-daan o libo-libo ng isang puso. Ang masarap dun, kahit madami kang minamahal, hindi ka nauubusan. Ganun pala ang kapasidad ng puso para magmahal.

Pasensya na kung bihira nalang kita naiisip. Hindi naman porket hindi na kita hinahanap masyado, eh, hindi na kita hinihintay.

Mangyari lang kasi na natanggap kong may tamang panahon para sa lahat ng bagay.

(Pero winner ka talaga, tsong. Winner ka sa delay, ah.)

Baka hindi pa tamang panahon para magkita tayo.

Dati, nung desperado pa akong makilala ka, lagi akong pumupunta sa Manila Bay para kausapin ang dagat. Close kami ni Amang Poseidon, di mo ba alam? Pag halimbawa, hindi ko na maintindihan yung nangyayari sa mundo, pupunta ako dun pag gabi na, tapos tititig lang ako sa dagat. Pakikinggan ko lang ang hampas ng mga alon sa breakwater, tapos kakalma na ko. Tinatanong ko kay Amang Dagat kung nasaan ka na. Umaasa ako na sa susunod na hampas ng alon, makikita na kita. Paminsan nga, nakikipagbiruan pa ko sa kasama ko na kung may makita man kaming lumulutang na katawan sa dalampasigan, baka ikaw na yun.

Eh kadiri lang, diba.

Lagi kitang hinihiling noon. Lalo na nung sira-sira pa ako. Nagdadasal ako noon na sana dumating ka na, para tulungan mo kong ayusin ang puso ko. Malungkot paminsan, kasi ang laki ng nabakante sa puso ko, kaya sobrang gusto kong dumating ka na para punuan mo yun. Pero mali. Kung iaasa ko sa ibang tao ang paghilom ng sugat ko, paano ko malalaman kung hanggang saan ang kakayahan at katatagan ko? Habangbuhay nalang akong aasa sa iba, kasi hindi ko binigyan ng pagkakataon ang sarili kong bumangon mula sa pagkabigo. Parang pinagkaitan ko yung sarili ko na matuklasan ang sarili kong lakas. Habang buhay akong mapipilay.

Isa pa, hindi din yun fair para sa iyo. Mas mainam nga naman na ayos at buo na ako kapag nagkita na tayo. Natuto akong tumingin sa biyaya, at natuto akong i-appreciate yung kung anong meron ako. Sobrang daming nagmahal sa akin, at sobrang dami ko ding minahal. Ang sarap mabuhay, lalo na kung bawat araw ay panibagong pagkakataon para matuklasan kung gaano kaganda ang mundong ibabaw. Ang sarap mabuhay lalo na kung alam mo na may kakayahan kang tumayo at lumaban at maging masaya, kahit ano pa mangyari.

Awa naman ng langit, ayun, naayos din ako. PERO WALA KA PARIN, PAKYU.

Alam mo bang sa bawat sandali na hinihiling kong makilala na kita, may ibang dumadating? Tao, kaibigan, oportunidad, trabaho, biyaya… madami. Hindi man ikaw yun, sobra-sobra parin yung pagmamahal na binibigay ko sa bawat isa, kasi kampante naman ako na madami pang natitira para sa iyo.

May mga panahon na iniisip parin kita. Pag nakapatay na ang ilaw sa kwarto ko’t naghihintay nalang ako na dalawin ng antok, hinahanap kita. Pakiramdam ko para tayong mga bituin na nakasabit sa napakalawak na kalawakan (redundant much?). Dalawa lang tayo sa bilyong bilyong tala sa langit, may kanya-kanyang kinang, may kanya-kanyang lugar. Paano kaya magtatagpo ang mga bituin natin? Kaninong kamay ang uurong para magkrus ang landas ng bituin mo at bituin ko? Kailan kaya gagalaw ang kamay na yun? Kasi pag napapaisip ako, parang… sa dinami-dami ng mga bituin sa langit, sa nilawak-lawak ng tela ng kalawakan, may pagkakataon pa kaya tayong magkabanggaan? Meron kayang makikialam at magsasabi ng, “Ay. Ilipat ko nga to dito. Pagtabihin ko nga tong dalawang to. Pag pinagtabi kasi sila, mas maliwanag ang kinang.”

Malakas ang kinang ko sa lugar ko. Masaya ako kasi, may kapangyarihan akong ilawan ang madaming madidilim na daan. Masaya ako kasama ang iba pang mga bituin sa tabi ko, kasi, sama-sama kaming kumikinang. Ang liwanag ng mga ilaw namin, kasi masasaya kaming magkasama. Ikaw? Kumusta sa lugar mo? Malakas din ba ang illumination techniques mo? Masaya ka din ba sa mga kapit-bahay mo? May lugar ba ako dyan sa area mo? Madami na kasi kami sa area ko, pero ang maganda dito, kahit sino, pwedeng sumingit. Welcome ang lahat. Mababait naman kami.

Ang tanong, yung nag-iisang Makapangyarihang Being na kayang iurong ang langit, lupa, and everything in between… kailan kaya tayo matri-tripang pagtabihin?

Minsan naman, pakiramdam ko, para tayong naglalaro ng chess, tapos si TadHana at si KapAlaran ang mga players. Pakiramdam ko, nakatayo lang tayo sa mga bloke natin- ikaw sa puti, ako sa itim- naghihintay ng ‘da-moves’ para magkita tayo. Kaya nga ako napatula ng ‘Checkmate‘ eh, kasi pag iniisip ko, parang nakatayo lang ako dito eh. At ikaw, nakatayo ka lang din dyan. Ilan ba papatumbahin natin pareho bago tayo magkaroon ng ‘Face-Off’? Ilang da-moves pa ba bago ko mabulong, ‘Checkmate, ungas.’?

Parang lagi nalang ako nakasalalay sa Higher Being. Parang lagi nalang ako nakasalalay na merong uurong satin pareho. Kasi.. ganun naman talaga diba? Sa mundong ibabaw, tingin ko, may takdang tao para sa lahat. May takdang panahon para sa lahat ng tagpuan. Paminsan, daplis lang yung meeting ng bawat isa. Paminsan naman, for life na talaga. Pero gayunpaman, daplis man o ‘forever’ na, lahat ng tao na dumadaan sa buhay natin, may iniiwan at kinukuha sa atin, kaya lahat tayo nagbabago sa bawat pagtatagpo.

Siguro, kailangan pa nating makabangga ang ibang tala sa langit. Siguro, kailangan pa nating pataubin ang ibang players sa chessboard. Siguro, kailangan muna nating mabuhay ng magkahiwalay, para pag pinagtagpo na tayo, EPIC ang love story natin.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko malalaman na ikaw na yun. Baka magkaroon pa ng maraming trial and error. Baka naman nagkita na tayo, pero dahil wala akong naramdamang ‘SPARK!’, kala ko hindi ikaw. Baka naman yung ‘SPARK!’ eh hindi sabay- maaaring nauna yung iyo, o nauna yung akin. Baka naman mamaya, pinagpipilitan ko na yung sarili ko sa taong akala ko ikaw, kaya hindi kita mapapansin. Baka naman ikaw, pinagdudukdukan mo yung kabanuan mo sa ibang tao, pero para sa akin ka pala. Hindi natin alam. Baka nagkasalubong na tayo sa tawiran, baka nagkatabi na tayo sa FX, baka ikaw yung naka-angasan ko sa EDSA nung sinubukan mong mag-overtake sa lane ko. O baka ikaw yung binangas ko na pedestrian habang kumakaripas ako sa Sunset Drive sa MoA. Baka naman inuurong na tayo, hindi parin natin napapansin.

Baka naman habang sinusumpa kita sa katangahan mo, eh sinusumpa mo din ako sa ka-engotan ko. Baka hinihintay mo din ako’t ako tong nagpapa-delay ng ating pagtatagpo. Sorry naman kung ganun. Basta ang alam ko, dadating din ang moment natin. Dun nalang tayo maniwala.

Sana lang din, wag magsawa yung ‘Kamay’, yung ‘TadHana’ at ‘KapAlaran’ ng kakaurong at kakabangga sa atin. Sana, kung sakaling napalampas natin ang pagkakataon, gumawa pa sila ng bago. Try ng try, hanggang sa magkadaupang-palad na tayo. May tamang panahon para magkita tayo.

Hanggat hindi pa tayo nagkikita’t nagkakasama, ingat ka lagi, ah. Sana masaya ka. Balang araw, kapag nagkita na tayo, ipapabasa ko sa iyo to, para alam mo na matagal kitang hinintay. Para alam mo na matagal-tagal din kitang hinanap. Ipapabasa ko sa iyo to, para malaman mo, na kahit hindi pa kita nakikita at nakikilala, dahil sa pananalig ko sa langit at sa lahat ng nagpapatakbo ng tadhana ng mga tao, mahal na kita.

At ang bawat bagong araw na ibibigay sa atin sa panahong magkasama na tayo ay ta-tratuhin kong panibagong araw para mas lalo kitang mahalin.

Sige ah. Balik muna ko sa buhay ko. Kasi, pag naiisip kita, naiimbyerna ako eh. Pero kahit naiimbyerna ako, natutuwa parin ako.

Excited parin akong makilala ka.

Hanggang sa pagkikita natin. Susulat-sulatan nalang kita, para alam mo na sa kabila ng lahat ng tao at bagay na dumadating sa buhay ko, may lugar ka parin sa puso ko.

 

Nagmahahal,
Ang Balahurang si Kristina
Full-time Consultant
Counseling and Consultations Department
Tindahan ni Manong

Comments
  1. kate says:

    relate! haha. wala pa rin po si trulab ko mam. haha.

  2. Hahaha winnder eto, ‘teh!

  3. Winner pala, I meant. Hindi winnder. Parang winner na windangers in one kasi yun eh.

  4. AY INAY. HAVEY NA HAVEY. Kupad, daig pa traffic sa delay. Bazaar.

    • Anak, wag tayong mainip. Chill lang kasi dadating din yan sa tamang panahon ni Papa God. ^__^ Masyado kang irita.com/azartothemax eh. Hahahah!

      • Eeeeeeh syempreeee. Hahahaha. Pero syempre andito lang naman ako, naghihintay pa rin. May mga panahon talaga na hindi ko na siya hinahanap, di naman sa hopeless, talagang walang balak maghanap. :)

  5. myfilthyroom says:

    TLW.. true love waits.. :D hahaha.. labo!

  6. Ang love…
    Hindi hinihintay at lalong hindi hinahanap…
    Ito ay inaagaw! Para may thrill…

    Ahaha! Biro lang! Magandang umaga sa’yo!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Connecting to %s