Nakita Ko ang Forever Sa Jeep

Hindi ko na matandaan kung kailan, pero tanda ko pa ang panahon.

Mahapdi ang sinag ng araw, sinusunog ang braso at batok ko. Malagkit ang hangin, at bawat ihip nito may kasamang alikabok at milyong-milyong germs. Siksikan sa jeep, at ang nakaka-eew pa, basa pa ang brasong dumadaplis sa braso ko sa tuwing pre-preno ang jeep dahil pawisan ang katabi ko.

Kasabay ng paguumapoy ng panahon at pagkulo ng dugo ko. Dumidiretso din ito sa utak ko kaya konting kalabit at bundol lang sa akin, umiinit na ulo ko.

Hindi ko na matandaan kung paano, pero biglang bumaling ang mata ko sa dalawang matandang mag-asawa. Nandun sila sa may bandang dulo ng jeep, sa may malapit sa labasan. Puti na pareho yung mga buhok nila, tapos si Lolong panot, nakasalamin pa. Si Lola naman, medyo good-bye na din ang buhok. Kulubot na ang mga balat nila, tapos hindi yata sila pinapa-inom ng Anlene dahil medyo kuba na sila. Parang isang hila ko lang din eh punit na yung mga damit nila, kasi parang kasing tanda na din yata nila yung mga suot nila.

Hindi sila naguusap, hindi sila masyadong nagkakatinginan, pero magkadikit ang balikat nila. Paminsan, magsasalubong ang mga mata nila, tapos, pwera biro, parang may nakikita akong kislap tapos ngingiti sila. Walang salita. Ngiti lang. Maliit lang na ngiti, pero pakiramdam ko, nagsasabi ito ng milyong bagay.

Bumaba ang tingin ko mula sa mga mukha nila. Sa binti ni lolo nakapatong ang magkahawak nilang mga kamay.

Sa mga singsingan nila, nakita ko ang dalawang gintong singsing. Wala nang kislap ang singsing. Kupas na.

Pero ang dalawang lumang singsing na yun ang testimonya sa matibay na samahan ang pagibig na wagas.

Pagibig na walang kupas.

Forever.

Sabi ko sa sarili ko tuloy, gusto ko din ng ganun.

Isang Tula: Text UNLI to 8888

kung susundan ang progreso ng
lalim ng pagibig ko sa iyo
pwedeng tingnan ang registration
sa 8888.

sa umpisa ng pagiibigan
sulitxt15 ang gamit,
100 texts sa globe at tm
(hindi ko lang sigurado kung ilan
ang sa ibang network)
buong araw na usapan,
buong araw na palitan ng ka-kesohan,
kulang na pala ang 100 texts
hindi naging sapat ang sulitxt15
sa sobrang dami ng mga mensaheng
pumapasok at lumalabas,
bawat tunog ng telepono
may dalang mga salitang
tumutugis sa puso,
nagdadala ng ngiti sa bibig
hindi ko makakalimutan ang kilig–
‘hangin ka ba? kasi hindi ko kayang
mabuhay ng wala ka.’
‘eh dagat ka ba? kasi nalulunod
na ako sa iyo.’
’sony ericsson ka ba? may smile
shutter ka yata eh, kasi you can
always capture my smile’
kilig na pilit kong kinitil
dahil inakala kong hindi sapat
ang salita para patibukin ang puso–
salitang hindi ko man hinayaang magpakilig
ay nagdulot parin ng walang humpay
na ligaya

lumalim ang pagmamahalan
mula sulitxt15 naging unlitxt20,
hindi na kailangang bilangin kung
ilang mensahe na ang pinapadala
hindi na kailangang pigilan ang mga salita,
hindi na kailangang limitahan
ang bilang ng mensaheng ipapadala
sa taong unti unti mong natutunang mahalin,
mga mensaheng unti-unting humaba
maiikling akda at tula para sa taong
nakabihag sa puso mo,
isang libong paraan para sabihing
‘mahal kita’
isang libong salita para iparating
kung gaano kalalim
kung gaano kalawak
kung gaano kabigat
ang nararamdaman para sa taong
sumalakay sa bawat sulok ng
puso’t isipan mo,
para ipadala ang isang libong salita
ginamit at sinulit ang serbisyong
hatid sa atin ng globe

naging siryoso ang pagmamahalan
mula unlitxt20, magiging mas matipid
kung unlitxt80
hindi kailangang magparehistro araw-araw
tipid pa ng bente pesos dahil ang
otsenta mo’y aabot ng limang araw–
(tinitipid din ba ang pagmamahal?)
kasama sa pagtipid ng bente pesos
(mas economical nga naman)
natipid ang lambingan
natipid ang suyuan,
napalitan ng mga simple ngunit
importanteng bagay
‘magandang umaga mahal’
‘nasa opis nako mahal’
‘toxic dito lab’
‘pauwi na ako lab’
‘bahay na ako mahal’
‘matutulog na ako mahal’
‘mahal kita’
mga importanteng bagay na nagsasabi
kung sang dako na ng mundo naroon
ang iniibig mo,
importanteng bagay na naging parte
ng bawat araw mo, ibinabahagi mo
sa taong mahal mo
ngunit hindi mo maiwasang magtanong
nasaan sa unlitxt80 ang tamis at keso
ng suyuang naganap nung kayo’y
nasa sulitxt15 pa lamang

sa dalang ng suyuan,
ng kwentuhan
ng biruan
ng harutan
naisipan mong subukan ang bagong promo-
immortaltxt10
50 texts sa globe at tm, 10 sa ibang network,
ang catch? walang expiration.
kung rutina nga lang naman ang susundan
kung wala na ding suyuan
kung wala na ding palitan ng mahahabang
mensahe na nagsasaad ng laman ng puso
kung ang laman lang ng mensahe
ay mga simpleng (ngunit importanteng) bagay
mabuti na’t wag nang piliting i-unli
dahil hindi na unli ang palitan ng komunikasyon.
saan nga ba naipagpalit?
nabawasan din ba ang pagmamahal?

sa tagal ng pinagsamahan,
hindi maiwasan ang magkabanggaan–
ang unlitxt20 ay muling nagamit
pero sa pakikipagpalitan ng mapapait na salitang
hindi pinagiisipan,
pusong nasaktan ang nanaig
sinaktan kaya’t nanakit din
bawat pindot sa keypad ng telepono’y
may halong dabog,
bawat pagtunog ng telepono ay may dulot na kaba
‘ano na naman ang sasabihin niya?’
bawat mensaheng dadating ay
may kargang armas na tutugis at hihiwa
sa puso’t kaluluwa ng dalawang magkasintahang
hindi na maiwasan ang magkasakitan
ang unli ginamit para ayusin ang gulo,
ngunit ang bawat mensahe’y dala lamang
ay mas marami pang hinanakit
mas marami pang galit,
unlimited na din pala ang supply ng
sumbatan at gantihan

para sa paghilom,
unlitxt80 muli ang ginamit
isang linggong bangayan, ngayo’y
ginagamot ng bawat araw na nagdadaan
nariyan pa ang sugat, sariwa’t nakabukas
ngunit unti-unting ginagamot ng
dahan-dahang palitan ng mga salitang
iwas sa gulo
sabihin mang ‘mahal kita’,
ramdam pa ang tensyon,
ang pag-iingat sa bawat
pagpapadala ng mensahe
nawala ang dating kalayaan na sabihin
ang anumang nais sabihin
bawat mensahe’y may dalang takot-
ayaw nang manakit, iwas gulo,
hinay-hinay ang paghilom sa
mga latay at sugat na nadulot
ng mapapait at matatalas na salita,
unlitxt80 muli ang gamit
para sabihing
‘mahal pa rin kita’
‘aayusin natin to’
unti-unting binabalik ang
‘mahal, magandang umaga’
‘opis na ko’
‘bahay na ko’
ngunit nasan
nasan na ang panahong ginugol
nung simula pa lamang
nasan na ang matatamis na palitan
ng mga salita nung sulitxt15 pa lamang
nasan na ang malalalim na akda
ng unlitxt20
nawawala
nawawala
parang sana’y sulitxt15 nalang ulet–
ngunit hindi na maaaring bumalik
arankada lang, at walang atrasan

kung susundan ang progreso ng
lalim ng pagibig ko sa iyo
pwedeng tingnan ang registration
sa 8888
sana lang ay magawang ilagay sa unlitxt80
ang tamis at ligaya na dati’y pinagkasya
sa hamak na sulitxt15 at unlitxt20 lamang

Isang Maikling Kwento: “Ang Pagbabalik ng Balahura sa Tindahan”

Isang araw sa tambayan ng Kulto, nabulabog ang mga residente ng biglang kumaripas si Kristina papalabas ng kwarto.

“Hoy Kristina!” tawag ni Shiela, sabay hablot ng kamay ng malabuhawing dalaga. “San ka na naman pupunta?”

“Tsong, mamaya na tayo mag-usap! Pupunta ako kay Manong!”

“Huminga ka muna, Tinang!” saway ni Sheena. “Ano na naman gagawin mo kila Manong, eh diba nakabili ka na ng kailangan mo dun?”

“Oo, pero may kailangan akong bilhin ulet,” nagmamadaling sagot ni Kristina,sabay hila sa kamay nya. “Pwede ba paalisin niyo na ko? Alam niyo naman si Manong, ang hirap hagilapin. Kelangan siya ang makausap ko, di pwedeng saleslady.”

Napangiti si Sheena. Mukhang walang balak kalagan ni Shiela ang kaibigan hanggat hindi nasasagot ang mga tanong. “Teng, ano na naman bibilin mo?” tanong ni Sheena sa nagpupumiglas na kaibigan.

Doon nila nakitang biglang nagbago ang tindig ni Kristina. Tila para sila nakakita ng dahon na unti unting nalalanta. Nawala ang kislap sa mata niya, nawala ang ngiti sa labi, at ang tindig na minsa’y nagpahiwatig na kaya niyang sakupin ang kahit anong daigdig ay biglang lumugmok, bumagsak.

“Teng? Anong bibilin mo ngayon, Teng?” muling tanong ng matalik na kaibigang si Sheena.

Mahina ang boses ni Kristina, pero ramdam nila Sheena ang purong determinasyon na bumubuo sa pagkatao ng kaibigan nila.

“Himala,” sagot ni Kristina. “Bibili ako ng himala.”

—————–

Nandito na naman ako sa tindahan ni Manong.

Kaharap ko na naman ang dambuhalang Tindero na nakaupo sa likod ng mas dambuhalang mesa nya. Concentrate to the max ang lolo, parang thesis ang binabasa. Eh listahan ko lang naman yung ng mga bagay na ipambabayad ko sa bibihin ko. May pakamot-kamot pa sa balbas na nalalaman to. Pambihira, suspense daw ba.

Sa labas, samu’t saring tao ang palakad-lakad sa iba’t ibang sections ng tindahan. Hindi ito basta-basta sari-sari store. A la Landmark itong tindahan ni Manong. Iba’t ibang produkto ang pwedeng bilin, na nakaayos at nakasalansan sa iba’t ibang aisle. Ang karamihan sa kanila, kumukuha lang ng mga bagay-bagay, at matapos magpatulong sa mga nakakalat na saleslady, pipila na sa cashier at siya nang uuwi sa kani-kanilang mga bahay.

Ang iba naman, tulad ko, may mga special case. Kailangan sa Proprietor/General Manager makipag-usap, kasi medyo hebigatin ang mga hiling. Rare items ba. Pwede ding magpa-advise sa GM tungkol sa mga bagay-bagay. Tamang oras na ba para bilin to? Pano ang terms of payment? Para sa akin ba talaga to? Kahit ano, pwede mong itanong kay Manong, siguraduhin lang na may sense ito, dahil kung kung naisipan mong lokohin siya, eh nako. Mas maloko siya sa iyo.

Maniwala kayo sa akin. Nasubukan ko na.

“Kristina?”

Hay salamat. Inang awa sa langit. “Ako nga po.”

Napakunot ang noo ni Manong, sabay hawi niya sa buhok nyang mas puti pa sa snow. “Ang sabi dito sa records mo, nakaka-dalawang malalaking transaksyon ka na dito sa tindahan ko. Kumusta naman ang mga goods?”

Wow. Astig ah. May after-sales survey pa dito. Minabuti ko nang hindi sumagot ng pabalang kay Manong, mahirap na. Ngumiti nalang ako, at nagdesisyong pawang katotohanan lang ang sasabihin ko.

“Ayos naman po ang mga ‘goods’, Manong. Inaalagan ko po ang pangarap. Medyo dispalinghado nga lang ako ng konti, pero bangon naman agad. Maayos po ang pangarap.”

“At ang pag-ibig?” Wow, ang talino. Nahalatang may na-omit ako sa report ko. “Pag-ibig, Kristina, na binili mo nung dapat ay magbabayad ka sana ng para sa pangarap mo. Pinapaalala ko lang.”

Wow, may ganun? Di naman tayo masyadong bitter. Pero bawal mambangas. Pawang katotohanan nga eh. Tama na ang kalokohan. Oras na para sabihin ang totoong rason kung bakit ako nandito.

Huminga ako ng malalim. Napalunok ako bago magsalita, dahil hindi ko alam kung paano ko sasabihin na ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon ay ang mismong bagay na kinukumusta niya.

“Kristina? Ang pag-ibig?” tanong ulet ni Manong. Nilapag na niya yung papel na may mga pangako ko. Tutok na siya sa akin. Pu-mose ng ala-Ninoy si Manong at sya namang tinitigan ako hanggang sa pakiramdam ko eh matutunaw na ko sa kinauupuan ko. Kung barena lang ang mata niya, malamang kanina pa ko tadtad ng butas dito. Ano ba naman yan kasi’t nagmadali akong pumunta dito. Parang hindi na naman ako nag-isip. Pero anuman yan, ginusto ko parin ang pagpunta ko dito. Nandito na ko, bakit ba hindi ko nalang sabihin kung ano ang pakay ko.

“Kristina?” muling tawag ni Manong. “Ang pag-ibig?”

Pakiramdam ko, pag umabot pa ng tatlong ‘Kristina?’ eh out na ko, kaya sumagot na ko.

“Manong, nasira po.”

“Nasira, Kristina?” Hindi ako pinagtaasan ng boses ni Manong, pero sana binulyawan niya nalang ako, kaysa naman yang ganyan kalambot ang boses niya na para tuloy gusto kong tumakbo sa kanya’t umiyak sa balikat nya.

Sa totoo lang, kaya ako nandito kasi hindi ko na alam ang gagawin ko. Parang may kadena sa mga paa ko, nagpapabigat sa bawat hakbang ko. Hindi ko alam kung sadyang makulimlim lang ang panahon, pero parang hindi ko na napapansin sumisikat ang araw.

Hindi ko din alam kung ako lang ba o talagang dispalinghado ang sistema ng mga halama’t at hindi sila makapag perform ng Photosynthetic Operation, kaya’t hindi ko na makita ang mga kulay ng dahon at bulaklak. Hindi ko din alam kung may The Hulk na sumuntok sa dibdib ko, tumagos, at biglang nadale yung puso ko, kasi parang may bakanteng ispasyo sa kung saan dapat tumitibok ang puso ko.

In short, broken-hearted ako.

There’ll be no sunshine in my life, until you say you’re mine, oh mine. There’ll be no summer, spring or fall. Each day is like winter time.

O tama na.

“Kristina?” O ayan na yung strike three, nak naman ng… “Kristina, anong nangyari?”

“Manong, nasira po,” sabi ko ulet. Ano pa ba ang sasabihin ko, eh para akong nakalunok ng buong mansanas dahil ang hirap magsalita?

“No return, no exchange tayo, Kristina. Ang bawat binibili mo, dapat pinapanindigan at inaalagaan mo. Hindi pwedeng dahil ayaw mo na o nasira, eh ibabalik mo na. Malaki ang responsibilidad ng lahat ng buyers dito, kaya lahat kayo dumadaan sa matindihang interview bago ibigay ang mga merchandise.”

“Alam ko po,” sabi ko. “Hindi ko naman po ibabalik. Yun nga po ang pinunta ko dito. May bibilin po sana ako para maayos po ang lahat.”

“At ano naman ang bibilin mo ngayon, Kristina?”

Tumingin ako ulet sa matandang lalaking minsan nang umupo sa tabi ko, nakinig sa problema ko, at nagbigay ng importanteng paalala bago ako tulungang bumili ng pangarap. Hindi ko makakalimutan si Manong dahil sabihin man nating siya ang pinunong kapitalistang nagpapatakbo ng tindahang ito, alam ko na ang bawat pagbentang ginagawa niya ang may libreng paalala, patnubay, at pagmamahal. Freebies ba.

Madaling kausap si Manong, kahit minsan mabigat ang mga kabayarang hinihingi niya. Pwede kang magtagal ng kahit ilang oras sa tindahan niya, hindi ka nya papaalisin. Noon nga, nakita ko, talagang kinausap pa nya yung buyer ng ilang oras, at paglabas nito, walang biniling goods. Hindi dahil hindi niya pinagbentahan, o hindi dahil walang pambayad, kundi dahil binigyan niya ng pagkakataong pagisipan ng todo muna ang bibilhin, dahil kalakip ng bawat merchandise ay matinding responsibilidad.

Responsibilidad na pangalagaan, palaguin, ibahagi, at higit sa lahat, mahalin ang kung anumang binili.

Responsibilidad na hindi ko nagampanan ng maayos, kaya eto ako ngayon. Nangingilit na ang luha dahil hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung saan nagsimulang maging mali ang lahat. Hindi ko alam kung paanong ang isang salita, napatungan ng isang salita, at siya namang napatungan ng isa pang salita. Bawat isa, parang lansetang humihiwa sa balat, tagos hanggang puso. Hanggang wala ka nang ibang maramdaman kundi sakit. Wala ka nang ibang maalala kundi kamalian.

Dahil masakit.

Dahil nasaktan ka.

Mananakit ka din.

Mananaksak ka din.

Kasi alam mo sa sarili mo na ikaw, nagmahal ng todo, at natuklasan mong hindi lahat ng pagmamahal nasusuklian ng sapat.

At nasaktan ka dun.

Kaya nanakit ka din.

Hanggang sa dumating ang oras na natauhan ka, tumingin ka sa kamay mo, at nakita mong duguan ang lansetang hawak mo. Puro sugat ka na, at puro sugat na din yung taong mahal mo.

“Kristina, tahimik ka na naman, iha. Ano ang gusto mong bilhin ngayon, anak?”

Tiningnan ko ulit si Manong. Walang panghuhusga sa mga mata nya. Walang galit, walang panghihinayang. Walang kahit na ano, maliban lang sa panguunawa’t pagmamahal. Gusto kong umiyak, pero naiyak ko na ang lahat bago pa ko pumunta dito. Nandito ako hindi para magluksa sa kung ano sa tingin ko’y mawawala na. Pumunta ako dito, dala ang ilan sa mga ari-arian at isang papel na puro pangako, bilang pambayad sa isang bagay na tingin ko makakasagip sa kung anumang nasira ko.

“Manong kailangan ko pong bumili ng pampaayos sa nasira ko.”

“Ano nga ang gusto mo iha?” tanong ni Manong.

“Manong, pabili po ng himala.”

—————–

Matagal hindi umimik si Manong. Matagal din akong nakipagtagisan ng titigan sa kanya. Sinusuri ako ni Manong, alam ko. Kailangan kong ipakita sa kanyang desidido akong bilhin ang himala, sa kahit na anong presyo ang hilingin niya. Kailangan kong bilin ang himala, dahil alam kong buhat nito ay ang mga bagay-bagay na makaka-ayos sa nasira kong pag-ibig.

Nang magsalita ulit si Manong, ang tanging lumabas lang sa bibig nya ay, “Kristina, may kamahalan na naman ang binibili mo.”

“Alam ko po. Handa po akong bayaran, kahit magkano.”

“At ano ang ipambabayad mo?”

Ayan na tayo. Bargaining. Haggling. Kung sino man ang nagsabi na ‘the best things in life are free’, ipakita sa akin para tuhugin ko siya na parang barbeque at ikulong ko sa isang hawla kasama ang baboy damong nauulol sa gutom.

At kung sino man ang Poncio Pilatong nagsabi na libre ang pangarap, ipakita sa akin para putulan ko siya ng kaligayahan at ipakain ito sa kanya habang naka-live broadcast ito sa buong mundo. Sinungaling siya.

Napakamahal ng pangarap. At alam ko sa puso ko na napakamahal din ng bibilin ko ngayon, kaya’t naghanda ako ng limpak-limpak na pambayad.

“Mga pangako po,” sagot ko matapos ang mahabang sandali.

“At ang down payment?” tanong ni Manong.

Sa pagbanggit niya ng ‘down payment’, naalala ko bigla yung unang binili kong pagkamahal-mahal. Ayoko na ulet ipambayad ang ibang tao. Ayoko nang magsakripisyo ulet ng kahit na sino. Kung may magbabayad dito, ako yun. Wala nang damayan.

“Sabi dito sa records mo,” muling nagsalita si Manong habang binasa nya ulet ang manipis na folder, “ang pinang-down mo sa unang merchandise ay-”

“Luha at pangarap ng nanay ko.” Ako na ang nagsabi. Wag na nating patagalin pa. Oo, nung minsa’y pumunta ako dito para bumili ng pagkaasam-asam kong pangarap, wala akong nagawa kundi ang ipambayad ang luha at pangarap ng nanay ko. Meron siyang mga ibang plano para sa akin na kinailangan kong ipagisantabi kapalit ng mga sarili kong plano.

Nabili ko nga ang pangarap ko noon, pero pakiramdam ko pasan ko ang daigdig. Gaano kasakit ang makita mong umiyak ang pinaka-matatag na taong kilala mo sa buong mundo? Gaano kasakit ang maranasan mong irap at isnab lang ang kaya nyang isukli sa bawat bati at halik mo? Gaano kasakit? Para akong sinaksak ng mahabang ispada. At habang nakabaon sa katawan ko, paulit-ulit itong pinipilipit. Habang pinipigaan ng kalamansi.

Mabuti nalang, nagawa pang maayos ang lahat. Bago dumating ang unang shipment ng pangarap, umupo ang nanay ko sa tabi ko, at siya namang niyakap ako ng mahigpit. Akala ko hindi na titigil ang mga luha ko. Parang biglang sumabog ang dibdib ko na punong puno ng hinanakit, at sa bawat pagtugis ng luha sa pisngi ko, naramdaman kong unti unti ding nawawala ang lahat ng sakit na naipon simula ng hindi kami nagkibuan ng nanay ko.

Pinangako kong hindi na mauulit yun, kaya nung pumunta ako dito para hulugan ang pangarap ko, minabuti ko nang sarili kong ariarian ang ipambayad ko. Mahal din ang pinambayad.

Nung nagpunta ako dito noon, dala ko ang ilan sa mga installment ko para sa pangarap na binili ko. Nakatago sa backpack ko ang panahon, dedikasyon, buong puso, determinasyon, kaluluwa, pagmamahal, puyat, pawis, at luha. Pambayad lahat para sa pangarap. Hindi ko sinasadya, napadaan ako sa Aisle 4 kasi sira yung lusutan papuntang cashier. Tumingala ako sa karatula, at napakamot ng mabasa ko ang nakalagay. ‘Aisle 4 – Pagibig’. Ayoko na sanang dumaan dun, dahil nung minsan akong nangahas na bumili dun eh hindi nagtagal. May sarili kasing utak ang mga goods sa Aisle 4. Ang alam ko, lahat ng puso ng tao sa mundo naka-display dun, kaya’t pwede kang pumili at bumili kung anong gusto mo. Yun nga lang, hindi masisigurado na mamahalin ka din ng pusong binili mo, dahil na-manufacture ang mga puso na may kasamang kalayaan.

Kaya ayun. Bumili ako noon, pero hindi nagtagal sa akin. Dahil ayaw sa akin ng binili ko.

Ikaw ba, kung nangyari sa iyo yun, gugustuhin mo bang dumaan sa lintek na aisle na yan?

Ako, ayoko na. Kaya nung dumaan ako dun, hindi ko akalaing may makikita ako sa mga tokador na gugustuhin ko ulet bilin.

Hindi naman ganun ka-bongga yung packaging. Sa totoo lang packaging palang kita mo na ang defects eh. Alam kong madami ding features na hindi nakalagay sa karton, kaya’t kung bibilin ko to, alam kong dapat ay handa akong tanggapin ang lahat ng ipapakita sa akin nito. Kung mangyari man na hindi katanggap-tanggap, alam kong dapat paghirapang ayusin ang mga sira. Para san pa’t meron tayong sarili nating tool box sa bahay?

Pinagisipan ko ng mabuti bago ko binili ang pagibig. Hindi problema ang bayaran. Alam kong hindi mauubos ang mga nakalagay sa backpack ko. Hindi mauubos ang sarili ko. Hindi mauubos ang pagmamahal, ang oras, ang panahon, at kung ano pang dala ko ngayon. Ang mangyayari lang, kailangan ko silang i-budget ng maayos, dahil alam kong hindi dapat magkatunggali ang pangarap at pag-ibig. Pag-ibig ang tutulong na matupad ang pangarap, hindi para hadlangan ito.

Tiningnan ko ulet ang package. Sabi ko, ‘Hindi ko pa kaya. Masakit. Wag muna. At isa pa, pupunta ako sa ibang bansa. Hindi pwedeng may maiwan ako dito.’ Higit sa lahat, parang ayoko naman yatang magbayad ng pagkamahal mahal at mauwi na naman ulet sa wala ang lahat. Ayoko na sanang itaya ulet ang mga inipon ko,  kaya nilapag ko ang pag-ibig at lumayo. Papunta na ko sa cashier ulet. Umikot-umikot. Tumingin-tingin sa tindahan. Pumunta sa cashier. Nakapila na sana, pero umalis ulet. Paikot-ikot ako sa tindahan, walang direksyon at wala sa tamang pagiisip. Pero kahit ano pa ang gawin ko, san man ako pumunta, alam ko kung saan ako gustong dalin ng mga paa ko. Dinidikta ng puso ko sa kanila na bumalik ako sa Aisle 4 at bilin ang nakita kong pag-ibig.

Malakas ang hatak nya. Kahit ilang beses akong naglakad papalayo, hindi mawala sa isip ko ang pag-ibig na nakita ko. Hilung-talelong na ang mga tao sa kapapanood sa aking palakad-lakad sa tindahan. Ako rin, nauurat na. Palakas ng palakas ng atak, hanggang sa hindi ko na kayang labanan pa.

Pumunta ako sa Aisle 4, kinuha ko ang goods, at inuwi ito.

Siguro, bukod sa pangarap, ito malamang ang pinaka-magandang bagay na nabili ko sa tindahan ni Manong. Sa bawat araw na lumilipas, iba iba ang lumalabas na features. Minsan maganda, minsan hindi, pero ganun pa man, bawat araw ay isang araw para mahalin ng lubusan ang binili ko.

Maraming pangako ang binitawan, maraming maliliit na away ang nalampasan. Maraming tawa, luha, panahon, dedikasyon, ligaya at hinanakit ang nagugol sa pag-aalaga ng nasasabing pagibig. Naniwala akong magiging maayos ito, at panghabambuhay na ito.

Pero maraming nagbabadyang problema na hindi napapansin at nasosolusyonan. Hindi nakikita ang mga lumot na unti-unting nabubuo. Palaging tinatapalan ng pintura, pero hindi kailanman nabunot ang ugat. Hindi nakikiskis. May scotch brite, pero kasi, masakit ito pag pinangkiskis. Mas madali kasi sa pakiramdam yung tapalan lang to kaysa kiskisin. Kaya ayun. Pilit itong tumutubo. Hindi napapansin, hanggang sa isang araw, nagkaroon ng biyak, at simula noon, unti-unting nasira ang lahat.

Nandito ako, para pigilan pa ang lubusang pagsira nito.

Nandito ako, bitbit ang isang malaking bag na naglalaman ng down payment, at isang papel kung saan nakatala ang mga pang-installment.

Ni minsan, sa tinagal tagal kong nagisip, hindi ako inistorbo ni Manong. Nakaupo lang sya sa likod ng mesa niya, tahimik, pero kita sa kanya na susuportahan ka nya sa anumang bibilin mo.

Nung napansin ni Manong na handa na akong makipagusap ulet, ngumiti siya at muling tinanong, “Ano ang down payment mo, Kristina?”

“Manong,” sabi ko habang nakatitig sa mga mata niya. Buo ang loob, sinabi ko, “ibabayad ko sa iyo pride ko.”

Nagulat si Manong. Parang hindi makapaniwalang kaya kong ibigay sa kanya ang isang bagay na pagkatago-tago ko simula pagkabata ko.  “O, Kristina. Mahalaga sa iyo yun, diba? Sabihin man nating hindi lahat, Kristina, ang dami pa rin ng dala mo.”

“Manong, hindi na bale. Eto lang ang pwedeng pambayad.”

“Ano ka nalang, Kristina, kung wala ang pride mo?”

Napatawa ako, pero ang tawang lumabas sa akin, may halong pighati. “Manong, ano naman ako kung wala sa akin ang pinaka-magandang bagay na nangyari sa buhay ko?”

Katahimikan ang tanging sagot sa mabigat kong katanungan. Alam kong konting panahon lang ang nagdaan, pero para sa akin, parang ilang oras kaming nagtitigan ni Manong. Patagisan ng kung ano, hindi ko alam. Pero habang nakikipagtitigan ako sa kanya, unti-unting nababasag na naman ang puso ko. Hindi ba ito tatanggapin ni Manong? Wala na kong ibang maisip na pambayad. Ito nalang ang meron ako. Huwag naman sanang hilingin ni Manong na ipambayad ko ang isa pang importanteng bagay sa buhay ko. Higit sa kahit kanino, alam ni Manong kung gaano kaimportante sa akin ang pangarap ko.

Hindi ko nakayanan ang paghihintay. Kailangan kong malaman. “Manong, tatanggapin niyo po ba?”

Ngiti lang ang sagot sa akin ni Manong. Pinulot niya ulet ang papel na binigay ko sa kanya, at nung makita kong parang naghahanda siya para basahin at suriin isa-isa, pinagpawisan ako bigla ng malamig.

“Listahan ng mga pangako kapalit ng himalang binibili. Number one,” umpisa ni Manong. Napalunok ako. “Hindi na ko kakain ng isaw.”

Tinitigan ako ni Manong ng ilang segundo bago napaubo sa pagpigil ng tawa. Kita mo tong matandang to. Kinakabahan na ko dito tapos gagawin pang katatawanan ang mga pangako ko.

“Manong,” protesta ko, “mahirap yan. Baka kala mo, ang dami kong nadadaanang isawan. Hindi na ko kakain kahit isang tusok, habambuhay. Promise.”

Napailing lang si Manong bago binasa ng malakas ang susunod. “Hindi na ko kakain ng kalamares sa kalsada.”

“O isa pa yan. Promise, ni isang tusok, hindi na po.”

Hindi na ko kakain ng taba.” Dito siya napahinto ulet at sabay tiningnan ako mula ulo hanggang paa. “Ows. Eh kada may taba ang ulam niyo, patago kang kumakain tapos tinatago mo sa ilalim ng plato mo para hindi makita ng nanay mo.”

“Nanay ko na malupit pa sa doktor, Manong,” dugtong ko ng hindi nagiisip. “Kayang kaya ko yan, Manong! Hindi ka naniniwala? Manong, baka hindi niyo po nalalaman. Kanina, porkchop ang ulam namin. Breaded. Mukang malutong-lutong pa ang taba. Ni isang maliit na piraso, hindi ako pumuslit. Kaya ko to, Manong. Wag mong ku-kwestyunin ang will power ko.”

“Hindi ko kinu-kwestyon ang will power mo, iha,” paliwanag ni Manong. “Yan ang huling bagay na ku-kwestyunin ko sa iyo. Natutuwa lang ako dito sa mga nasa listahan mo. Talagang siryoso ka, anak ah.”

Paano ko ba maipapaliwanag sa tindero kung gaano kaimportante sa akin to? Paano ko ba ipapahiwatig kung gaano ko kailangan isang himala? Hindi ko na alam ang gagawin ko. Wala na kong ibang magawa kundi tumungo.

“Number four. Magsusulat na ko gabi-gabi.”

“Tinutuloy ko po yan, Manong. Gabi-gabi meron akong sinusulat. Pinaghihirapan ko na po na ilabas ang lahat ng nasa utak ko. Hindi ko na po aaksayahin ang binigay mo sa akin na talento.”

“Magaling, magaling,” mungkahi ng matanda. “Five. Babawasan ang pambabangas sa pisikal na kaanyuan ng mga tao.”

Ako naman ang nagpigil ng tawa diyan. Sorry naman. Pero promise, babawasan ko talaga. Kung magsasakripisyo lang naman eh, itotodo ko na. Tinaasan ako ni Manong na parang nananaway, kaya tinaas ko nalang ang kamay ko’t nag ‘cross my heart’ sabay ‘peace’.

“Number six. Magpe-pray na ako gabi-gabi.”

“Promise, Manong.” Napakamot ako. “Ah, eh. Manong. Kailangan po ba talagang basahin ng malakas yan? Medyo-”

“Seven,” sabat ni Manong. O, sabi ko nga kailangan. “Kakain na ko ng gulay. Eight. Hindi na ko kakain ng chicharon.” Natawa ulet sa Manong. Bakit ba natatawa siya pag tungkol sa pagkain ang nakikita niya? Naiinsulto na ko ah. Hindi naman ako masyadong pasaway kainin ah. Hindi masyado. Promise. Madali akong kausap.

“Manong, kumain po ako ng gulay kanina,” singit ko.

Parang walang narinig ang lolo. “Nine. Hindi na papabayaan ang pangarap.”

“Promise, Manong,” sabat ko ulit sabay ngiti na kumukuti-kutitap.

“Susundin ang lahat ng sinulat sa GOALS.” Napatingin si Manong. “At ano ang GOALS mo, Kristina?”

“Magbasa ng tatlong libro kada buwan,” madali kong sagot. “Makasaulo ng isang tula o kasabihan kada linggo. Makasulat ng kahit isang kwento kada buwan. Sinusunod ko lahat yan, Manong.”

“At ang sunod dito sa listahan, Kristina. Nakasulat dito na isasapuso mo ang sinaulo mong tula noong isang linggo. 1 Corinthians 13:4-8.”

“Kabisado ko po yan, Manong. Ang pagsasagawa nalang po ang hamon.”

“Ibahagi mo nga kung ano ang kinabisado mo, anak.”

“Manong naman,” palusot ko. “Alam mo na yun.”

“Kristina.”

“Oo nga, oo nga, eto na o.” Pambihira naman talaga tong matandang to, o. Kung hindi ko lang talaga kailangan to eh. Huminga ako ng malalim at hinugot mula sa utak ko ang isang bagay na dapat pala puso ko ang umintidi.

Love is patient, and kind. It is never jealous, or envious. Never boastful or proud. Never selfish, or haughty or rude. It does not demand its own way. It does is not irritable or touchy. It does not hold grudges and will hardly even notice when others do it wrong. It does not condone injustice, but rejoices whenever truth wins out. When you love someone, you will be loyal to him no matter what the cost. You will always expect the best of him, always bring out the best in him. All the special gifts and powers from God will someday come to an end. But love goes on forever.”

Katahimikang muli. Panigurado ko, pagkatapos ng transaksyong ito, may sakit na ko sa puso sa sobrang tensyon na binibigay sa akin ng tinderong ito. Ngumiti si Manong ang bumulong sa sarili ng pabiro, “Kailangan talagang English a,” bago binasa ng tahimik ang mga sumunod sa listahan. At sorry naman, Manong, kung English version ang nasaulo ko.

Pambihira naman talaga. Kailangan bangasin ka porket nakikiusap ka?

“Kristina,” mungkahi ni Manong matapos basahin ang mga iba pang nakatala sa papel. “Lahat na itong susunod ay mga pangako na na aalagaan mo ang pagibig na binili mo. ‘Mamahalin siya ng wagas at… ano to, iha? Bonggang bongga? Susuportahan siya sa lahat ng pangarap niya. Babawasan ang pambabangas sa kanya. Babawasan ang pagrereklamo. Susubukang maging patas. Aalagaan ang dapat alaagan.‘”

Habang binabasa ni Manong ang listahan, unti unti ko muli nararamdamang gumagapang sa puso ko ang desperasyon. Lahat yun sinulat ko dahil hindi ko na alam kung ano pa ang kailangan kong gawin para maayos ang nasirang merchandise. Kung kinakailangan kong mangako na maging mas mabuting tao ako, sige susubukan ko. Kung kinakailangan kong magsakripisyo ng ilang bagay, sige, gagawin ko.

Sa utak ko, may bumubulong. Para saan pa ang lahat ng ito? Para saan pa’t lumalaban ka, Kristina? Kung sa wala humantong ang lahat ng ito, saan ka dadamputin? Talunan?

Hindi rin, sabi ko sa boses. Talunan ka ba kung alam mo sa sarili mo na hindi ka sumuko hanggang sa pinakahuling sandali? Tingin ko hindi. Basta alam ko sa sarili ko na ginawa ko ang lahat.

“Kristina, naiintindihan kita,” panimula ni Manong. “Naiintindihan kong handa kang gawin ang lahat. Nararamdaman kong nagpapaka-tatag ka para dito. Pero bakit ngayon, Kristina? Bakit ngayon lang, kung kailan nasira na?”

“Manong, naiintindihan ko din po kung bakit mo tinatanong yan,” sabi ko. “Alam ko kung saan kami pareho nagkulang. Alam ko pareho kaming walang magawa para mapigilan ang unti-unting pagsira. Pero manong, nandyan na eh. Sira na po eh. Tatanungin niyo pa po ba ko sa isang bagay na hindi ko masagot, eh nandyan na nga po lahat ng bagay na pwede kong gawin para maayos na kung anuman ang nasira?”

Hindi ko na napigilan ang pagpatak ng isang luha sa mata ko, pero tuloy parin akong nagsalita. “Manong, ganon naman po diba? Makikita mo lang kung anong nasira, pag sira na? Tsaka mo lang po gagawan ng paraan para mabuo ulit? Aminado ako ganun ang nangyari. Hindi ko na po kayang sagutin kung bakit ko binili ang pagibig. Nabili ko na eh. Hindi ko na din po kayang sagutin kung bakit namin nasira. Nasira na eh. Hindi ko na din po kayang sagutin kung bakit masakit. Nasaktan na eh. Bakit ko pa po tatanungin yung mga bagay na yan? Imbes na magtanong ako ng tungkol sa nakalipas na, nagtanong nalang ako kung anong pwedeng susunod na gawin. Wala na kong magagawa para ibalik ang mga nangyari. Nasabi na ang mga nasabi, naramdaman ang mga naramdaman, at nagawa ang mga nagawa. Tapos na yun para sa akin. Pero Manong, dalawa nalang po ang pwedeng gawin. Pwede ko tong hayaang masira. At ang pangalawa, pwede akong gumawa ng paraan para mabuo ulit to. Nandito ako Manong para sa pangalawa.”

Kung saan ako nakabunot ng lakas para sabihin lahat ng yun, hindi ko alam. Ang alam ko lang, kailangan kong iparating kay Manong kung gaano kaimportante sa akin itong ginagawa kong ito.

“Kristina, naiintindihan kita,” sabi ni Manong. “Pero bakit lahat to ikaw lang ang gagawa? Hindi ba dalawa kayong nakasira? Bakit lahat ng nakalista dito ay mga bagay na ikaw lang ang gagawa.”

“Dahil yan po ang mga bagay na pwede kong gawin,” sagot ko agad. “Dahil Manong, yan ang parte ko. Yan ang mga alam kong kaya kong gawin ko. May mga bagay na dapat kaming dalawa ang gagawa, pero gagawin namin yung pag handa na kami pareho. Sa ngayon, yung akin nalang muna, Manong. Ayokong mamilit. Ako nalang po muna.”

“At ang isa?”

Hindi ko alam Manong. Pumunta ako dito ng hindi pa nakakausap ang isa. Ang dala ko lang ay ang sarili kong alam at paniniwala. Yun lang ang meron ako ngayon. Yun muna ang gagamitin ko ngayon. Kung dumating ang araw na magkakatagpo kami ulet at gamitin ang kung ano ang meron kami pareho, ng magkasama, higit kong ikasasaya. Ikagagaan ng loob namin pareho. Pero sa ngayon, ako muna. Hindi ko pa alam ang isa.

“Ako nalang po muna, Manong,” muli kong sinabi. “Wag po munang pilitin ang hindi pa pwede. Sa ngayon, kung ano nalang muna yung meron. Alam kong lumalaban din siya sa sarili niyang paraan ngayon. Alam kong pagod na din siya. Kung pwede lang na bumili din ako para sa kanya, gagawin ko, pero hindi pwede. Hindi natin pwedeng ipilit kung hindi natin alam ang gusto niya. Kung ano nalang po muna yung meron. Manong alam ko dalawa kaming gusto mo nandito. Dadating po ang panahon, pero hindi ngayon. Ako nalang po muna.”

Tumayo si Manong at tumabi sa akin. Niyakap ako ng mahigpit. Hindi ko na mapigilan ang umiyak. Sabi ko naman na ayoko ng niyayakap pag ganitong nakikipagpatagisan ako ng galing sa luha ko. “Iha,” sabi ni Manong habang hinihimas ang likod ko, “mapapagod ka, anak.”

Isang bulong nalang ang kaya kong ilabas. “Matagal na kong pagod, Manong. Matagal na kami parehong pagod. Nakatayo pa naman ako diba? Nakatayo pa rin siya, alam ko. Ano ba naman yung lumaban pa? Ano ba naman yung subukan ko ‘to?”

“May tinatawag na pahinga, Kristina.”

“Tsaka na. Pag naayos na. Makakapagpahinga na din ako. Makakapagpahinga na din kami.” Dahan-dahan akong kumalas sa pagkakayakap ni Manong. Nilunok ang nakabara sa lalamunan, pinunasan ang luha, at humarap ulit sa kanya. “Manong, hindi ko po alam kung hiram lang talaga siya o hinde. Ang alam ko, binili ko to. Pinili ko ‘to. Ginusto ko ‘to. Pinagisipan ko ng matagal bago ko to bilhin, at pinaghirapan naming maging maganda ‘to, dahil alam naming may basbas mo ‘to. Ano ba naman Manong yung bigyan mo ko ng kahit konting pagasa na maaayos pa ‘to? Konti lang. Para alam ko na may saysay pa tong pinaglalaban ko.”

Sa mga sandaling yun, nakaramdam ulit ako ng matinding pagod. Pagod na ko sa hindi sinasadyang pakikipag-talo. Pagod na ako sa pagiyak. Pagod na ako sa pagmumukmok. Pagod na ako sa pagiisip kung ano ang pwedeng gawin. Pagod na ako sa pagiisip kung hanggang saan ang kaya kong itagal. Pagod na din ako sa paglalakbay ko papunta dito sa tindahan, at higit sa lahat, pagod na ko sa kapapaliwanag.

“Manong.” Hindi ko na kaya, gusto kong sabihin. Tama na, gusto kong isigaw. Pabura naman ng lahat, gusto kong ipakiusap. Tulungan mo ko, gusto kong ipagmakaawa. Pero walang lumabas. Mabigat na ang loob ko. Wala na kong boses. Kumapit nalang ako ng pagkahigpit-higpit sa damit niya, at muling sinabi ang siyang ipinunta ko dito.

“Manong, pabili po ng himala.”

Tinanggal ni Manong ang kamay ko sa damit niya at hinawakan ito ng mahigpit. Pinunasan niya ang natitirang luha sa mukha ko at niyakap ako ulit.

“Anong himala ang gusto mong bilin, anak?”

Nang marining kong magsalita ulit si Manong, naramdaman kong unti-unting lumilisan ang tensyon at desperasyon na bumalot sa puso ko. Para akong nakahinga ng maayos, kahit hindi ko tiyak ang oras at panahon na ipapadala ni Manong ang binili ko. Bumuhos ulit ang mga luha, hindi na ako makakita. Ganun pa man, para akong tinanggalan ng tinik sa lalamunan. Parang may tumulong sa akin na pasanin ang dala-dala ko.

Binulong ko sa tainga ni Manong ang hiling ko.

Walang sagot si Manong. Walang katiyakan na may resulta ang pagpunta ko dito. Hindi ko alam kung kailan dadating at sa kung anong paraan ang binili ko. Ni hindi ko nga sigurado kung dadating ito. Pero siguro, kailangan ko nalang manalig. Konting pananalig na may kasamang aksyon, na iisa-isahin ko hanggang sa lahat ng pangako ay matupad ko.

Niyakap ko ulit si Manong at nagpasalamat bago lumabas sa office niya. Dumeretso ako sa cashier para iwanan ang isang bag na may lamang down payment, at pumunta sa records para iparehistro ang listahan ng installment.

Natapos ko na ang lahat ng transaksyon. Ang pinanghahawakan ko nalang ay ang kislap na nakita ko sa mata ni Manong nung binulong ko sa kanya ang hiling ko. Isang kislap na may kahulugang siya lang ang nakakaalam.

Tapos na ang transaksyon. Pwede na kong bumalik sa tambayan para ituloy ang mga kwentong matagal ko nang sinimulan. Malamang yan, tatadtarin ako ng mga tao kung ano ang nangyari, pero mamatay sila sa katatanong. Wala akong balak magpa-interview ngayon.

Papalabas na ko ng tindahan ng may nakabangga sa akin. Gusto ko sanang bangasin, kaya lang magpapakabait na nga pala ako, kaya imbes na pang-asar ang lumabas sa bibig ko, nakuntento nalang ako sa isang ‘Sorry, te.’

Nakita ko ang hawak ng babae. Mukhang galing yata ang ate sa Aisle 4, parang nakikita ko ang sarili ko sa kanya nung ako ang lumabas sa tindahan na may bagong bili galing sa lugar na yun.

Kumikislap ang mata. Kumukutitap ang ngiti. May halong kaba, takot, at pagalinlangan. Pero hindi maipipinta ang kagalakang halos kayang ilawan ang buong lugar. Napangiti ako. Napakasarap nga naman talagang umibig. Lalo na sa umpisa. At alam ko, na sa bawat araw na lilipas, lalalim at lalalim ang pagibig ng ate.

Nakita niya kong nakatingin sa kanya at napangiti siya sa akin. “First time,” sabi niya, na parang ito ang paliwanag sa lahat ng pwede kong itanong.

“Ah.” Napatawa ako. Mukhang wala kami halos pinagkaiba nito ah. Hindi na kami pareho magtatagal. Excited siyang buksan at alagaan ang binili niya, at ako nama’y excited nang gawin ang mga pangako ko. Pero bago lumayo ang babae, tinawag ko siya ulet, para magbigay ng konting payo.

“Miss!” Lumingon si ate, medyo haggard na sa sobrang excitement, pero nagawa pa niyang pansinin ako. “Miss, importante yan,” sabi ko. “Alagaan mo yan ah. Wag mo hayaang masira.”

Hindi ko alam kung anong nakita ni ate sa akin, pero naging siryoso siya bigla at tila parang mabigat na pangako ang lumabas na sagot siya. “Oo. Aalagaan ko ito.”

Nginitian ko nalang siya, at kumaway ng huling beses bago tumalikod sa tindahan at sinimulan ang mahabang paglalakbay pauwi.

Blog: “You hit me, I’ll hit you ten times over”, aka, Bakit Masarap Gumanti

Sabi nila, kapag sinampal ka sa isang pisngi, ibigay mo pa yung isa pang pisngi.

Sabi nila, kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay.

Pero sabi ko, pag binuhusan ka ng tubig, buhusan mo rin ng tubig. Pero yung kumukulo.

Minsan talaga masarap gumanti, ano? Yung iparamdam mo sa tao kung ano yung ginagawa nila sa iyo.

Halimbawa, sinampal ka. Kumulo ng dugo mo, nagdilim ang paningin mo, at nagbaga ang dibdib mo. Sinampal mo ng mas malakas ang mahadera. Umamin ka. Iba yung amats na naramdaman mo nung humataw yung palad mo sa pisngi ng kasampalan mo, diba? Mahapdi, oo, pero may halong high. Kasabay ng paghampas mo ay ang paglukso ng puso mo na syang magdadala ng agos ng dugo sa utak mong nawawalan na ng tamang ulirat. Adrenaline rush.

Minsan nga, pinagpa-planuhan pa ang paghihiganti, diba? Step-by-step pa ang execution, at minsan, ‘killing me softly‘ pa ang drama, para damang-dama ang hinagpis ng paghihiganti. Ikaw namang si demonyita, talagang nilalasap pa ang mga sandaling nakikita mong epektibo na ang plinano mong resbak. Tuwang tuwa ka naman kasi nakikita mo nang gumagapang na sa putikan ang kaaway mo.

‘Ah, itulak mo daw ba ako sa kanal, ah. Pwes, lulunurin kita sa imbornal.’

Mga ganung trip, ba.

Bigay tayo ng ibang halimbawa. Eto uso eh, para maka-relate ang mga tao. Nag-text ka. Hindi ka nireplyan. Nagtext ka ulet. Hindi ka ulet nireply-an. Mamaya-maya, nag-text na sya. Aba, hindi ka nireplyan kanina diba? Ikaw naman ngayon ang hindi nagrereply. Wag magmalinis, mga ate at kuya. Ginagawa nyo yan. Pero ano ang ending? Pareho kayong hindi nag-usap. Imbes na matigil ang kawalan ng komunikasyon, at imbes na mapagusapan at intindihin ang rason sa hindi pagtext, ayan… tuluyan na kayong nagka-uratan at forever nang hindi maguusap. Hindi nag-reply si gago/gaga, eh.

O, tanga. Sino nawalan? Oo, siya, kasi hindi ka na nakikipagusap sa kanya. Pero diba, nawalan ka din?

Ang totoo nyan, wala ka namang nakukuha pag gumanti ka. Walang bumalik sa iyo, nadagdagan pa yung sakit sa katawan mo. Namumula na nga pisngi mo sa sampal, namamanhid pa palad mo dahil malakas pagkakahampas mo. Sinong talo? Ikaw din.  Pag binato mo din ng bato yung taong nambato sa iyo, malamang sa susunod hollow block na ibabato sa iyo nyan. Palakihan lang kayo ng palakihan ng panira. Batuhan lang ng batuhan, hanggang sa dadating ang araw na makikita mong duguan na kayo pareho. Talung talo ka na, kasi ang dating taong kadaupang-palad mo, naging kaaway mo na.

‘Paghihiganti.’

Sa ingles, ‘Revenge.’

At ang pinakamasarap pakinggan, lalo na pag ikaw ang na-agrabyado, ‘Retaliate.’ Parang ang lakas ng amats diba. Ang lakas ng ‘wapak!’ Parang kagat-labi ka pa pag humataw ka pabalik eh. ‘Retaliate.’ Ang lutong, naknamputsa.

Ang sarap gumanti, diba? Yung maiparamdam mo lang talaga eh, ayos na yun, eh. Pero dahil sa pagpaparamdam na yan, lalo lang humahaba ang away, lalo lang lumalaki ang gulo. Kaya walang world peace, eh. Ang sarap kasi gumanti. Kaya bibihira lang talaga yung mga taong hindi gumaganti. Minsan kasi kailangan mong iparamdam sa tao yung naramdaman mo para lubusan nilang maintindihan kung gaano kasakit yung ginawa nila. Minsan kasi, sa pagganti mo, umaasa ka na hindi na uulitin ng taong yun yung ginawa niya sa iyo, kasi tinuruan mo na siya ng leksyon, eh. Masakit eh, kaya hindi na uulitin.

Yun naman talga yung pinaka-pakay ng paghihiganti. Yung maiparamdam sa taong nagkasala sa iyo yung sakit, para sa susunod wag nang ulitin. Pero yun din ang iniisip nya, eh. Paano kayo matatapos nyan?

Mabigat sa loob yung magtimpi. Ginago ka na, ngingiti ka pa. Sinampal ka na, ibibigay mo pa yung kabilang pisngi. Binato ka na, bibigyan mo pa ng tinapay. Winalanghiya ka na, papakitaan mo pa ng pang-unawa. Tinarantado ka na, paramdaman mo pa ng pagmamahal.

Pero kasi minsan, yun lang talaga ang pwede mong gawin, para hindi lumaki ang gulo. Yun lang ang pwede mong gawin para maplantsa ang gusot. Minsan kailangan mong lawakan yung utak mo, para maintindihan mo kung bakit ka sinaktan ng isang tao.

Lahat naman ng bagay na nangyayari may rason, at kung inintindi mo ang motibo sa likod ng pananakit na ‘yun, malamang malalaman mo na ikaw pala may nagawa ding mali, kaya ka ginawan ng mali. Sa pagiintindi at paguunawa mo kasi makukuha yung solusyon sa gulo.

Mahirap eh, kasi mas madali at mas masarap mag-retaliate. Iba yung kapow, eh. Mas mahirap yata yung pumikit ka, bumilang ka ng isa hanggang isang milyon, para kumalma ang dugo at damdamin mong naghihimagsik dulot ng pananakit ng ibang tao. Mas mahirap yung pigilan ang bugso ng damdamin. Pero kung ayaw mong lumaki ang gulo, yun ang dapat mong gawin. Kahit gaano kahirap.

At ang pinaka-magandang bagay siguro na dapat gawin, para hindi na rin umabot sa gantihan, eh, gawin mo nalang sa kapwa mo kung anong gusto mong gawin sa iyo. Kung ganyan ba naman ang klase ng ‘gantihan’ na magaganap, eh di world peace chever na.

Diba nga, sabi nila, ‘Huwag mong gawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin sa iyo.’

Kaya kung gusto mong batuhin ka ng tinapay, mambato ka ng tinapay.

Kaya kung gusto mong maging masaya, magpasaya ka.

Kung gusto mong intindihin ka, matuto kang umintindi.

Kung gusto mong mahalin ka, matuto kang magmahal.

Blog at Tula: Ang Epekto ng Cheesy Romance Novels at Bromance, Sumpain ang Pagibig

Orayt. Hit!

Ganito kasi yun. May mga panahon na gusto kong i-preno ang kinakalawang na mekanismo sa utak ko at tumunganga ng mga ilang oras sa kisame. Pahinga muna para sa utak. Alam ko namang rarely-used ang utak ko (para pag binenta, mataas-taas pa ang value, diba), pero kahit na. Gusto ko parin ipahinga kahit papano.

Sa mga ganitong panahon pumapasok ang kung anu-anong bagay sa isip ko. Napa-baling kasi ang mata ko sa mga nakasalansan na libro sa sahig ng kwarto ko. Nandun pa yung mga dati kong binabasa na romansahan ng mga dayuhan.

Natatandaan niyo pa ba ang mga panahon ng paperback novels na may mga babaeng may mga mala-pwet na cleavage na nakadantay sa mala-pandesal na bisig ng mga kalalakihan? Eh, ang mga book cover na puro swirl ang font at puro bulaklak ang border? May mga mapupusok na titulo. ‘Prisoner of Desire’, ‘Body of Love’, ‘Make Me Yours’. Pero hindi ko binabasa yang mga yan. Nakikita ko lang sa bookstore, promise.

Cheesy Romance Novels ang binabasa ko noon. Hindi Dirty Pornographic Materials.

Mahilig ako sa Cheesy Romance Novels nung high school ako. Yun kasing mga panahong yun, bitter-bitteran ako sa life dahil hindi ako trip ng taong kinaluluklukan ko ng damdamin. Kaya ayun, sa Cheesy Romance Novels ako bumabawi. Mga tipong, ‘Almost Heaven‘ at ‘Once and Always‘ ni Judith McNaught, o ‘Remembrance’ ni Jude Deveraux. Lahat ng mga libro nila, nabasa ko na. Pare-pareho ng plot, pero feel-good naman, kasi laging nagkakatuluyan ang magjojowa. (For the record, hindi ko parin alam kung pano banggitin ang apelyido ng lecheng Jude na yan).

Hindi ko alam kung bakit nuknukang dami ng mga ganun ang pinagbababasa namin ng mga kaibigan ko (damay-damay tayo dito!), pero tingin ko kasi masarap ding ma-inlab, kahit sa mga nobela lang. Sa totoo lang, ewan ko kung deprived housewives ba ‘tong sila McNaught at Deveralkhsklajfkaux, pero kasi nuknukang dami ng kakesohan sa mga nobela nila. Nung high school ako paniwalang paniwala ako na may mga ganung klaseng tao sa mundo. Mga tipong hahamakin ang langit, lupa, im-im-impyerno para sa pagibig na wagas. Mga multimillion-dollar business men with a dark, mysterious past na naiinlab sa isang bright-eyed secretary na ‘full of innocence and hype for life’.

Entra na ngayon ang chorvahan. Hindi natin makakalimutan ang mga sex terminologies. ‘Blossoming Womanhood’, ‘Center of Desire’, at ‘Throbbing Manhood’. Sorry, mga bagets. I-rate nalang natin ang entry na ito bilang ‘PG-13′.

Ang plot line, iisa lang. Boy meets girl. Boy is a bastard. Girl hates boy. Boy likes girl because girl hates boy. Boy spends time with girl. Girl realizes that boy isn’t so bad after all. Girl likes boy back. Boy beds girl. Boy has a dark past. Girl brightens up his life. Boy falls in love but is afraid to love again because his heart has gotten cold and uncaring sometime in his dark, dark past. Boy hurts girl. Boy realizes his mistake and tries to win girl back. Girl forgives boy. Boy and girl lives happily ever after.

Pero yung suyuan yung pinaka-sentro, eh. Kung paano sinusuyo ni lalake si babae, kaya kahit binastardo na si babae, forgive and forget parin sa huli. Napansin ko lang kasi, parang sa feel-good Cheesy Romance Novels, ang gagaling ng mga pakana ng lalaki para masuyo si babae. Mula sa bulaklak, hanggang sa pagsumpa sa sariling pangalan at pamilya makasama lang si babae, gagawin nila.

Eh, ako naman ‘tong si tanga, super kilig to the bones naman.

Naging escape ko din yung mga CRN (masyadong mahaba na kasi ang Cheesy Romance Novels), nung high school ako. Takbuhan, kasi hindi ko nakuha sa totoong buhay yung pinaka-aasam kong pagibig. Nang lumipas ang panahon, lu-mevel up naman ang trip ko. Mula CRN, napunta sa YFF. Yaoi Fan Fiction. (Pero wag na nating pagusapan muna kung ano yun, kasi mapusok ang landas na yan.) Rest assured, legal naman ang mga fan fiction na yun, at hindi naman nakaka-corrupt ng pagkatao. *ubo ubo kahol kahol*. Love story din yun, promise!

Nalulong ako dun, kasi ang daming magagaling na manunulat na ginagamit ang mga characters ng paborito kong anime at manga. Ang gagaling magsulat, tapos talagang hit and run pa pag dating sa emosyon. Mas level up pa nga dahil mas matino pa mga plot nito sa mga CRN, dahil ito wala halos formula. Ang bawat kwento, may kakaibang amats, pero tatatak ng matagal na panahon. Paglalaruan ang damdamin mo, pero pagkatapos ng kwento, saan ka na dadamputin?

Wala. Kasi pikshon lang lahat.

Ganun din ang pakiramdam. Ganun din ang experience.

Naurat tuloy akong magbasa.

Pansin ko parang kidnapper tong mga lecheng libro at kwento na ‘to eh. Biruin mo, bigla kang kikidnapin mula sa lungga mo, tapos dadalin ka kung saang lupalop na mundo. May iba ka dapat ginagawa (trabaho, assignment, chever), pero dahil mapusok ang tawag ng mga kwento, ikaw naman ‘tong si tanga, susunod ka naman.

Malupit tong mga kwentong ito. Parang binubudburan pa ng asin ang mga sugat mo. Parang mga haliparot na aakitin ka, dadalin ka sa malayong lugar, ipapatikim sa iyo kung paano ang magmahal, mangarap, masaktan, maging maligaya. Ipapatikim sa iyo ang buhay na alam mong hindi mo makakamit sa totoong mundo. Paglalaruan ang puso’t damdamin mo, hanggang sa wala nang ibang katototohanan para sa iyo kundi ang mundo ng kwento. Wala nang ibang tao, kundi ikaw at ang mga karakter na natutunan mo nang mahalin. Wala nang ibang kwento, kundi ang kwento ng libro.

Lecheng mga haliparot. Dahil matapos iparamdam sa iyo ang paraiso, bigla kang kikidnapin ulet, at bigla ka nalang ibabagsak ulit sa madilim at masikip mong kwarto.

Dumating ang panahon na ayoko nang magbasa. Binibigyan ako ng pagasang magkaroon ng mga bagay na akala ko noon ay hindi ko makukuha. Binibigyan ako ng mga pangarap na akala ko hindi ko matutupad.

Noon, pag pumipikit ako, nakakakita ako ng mga malalaking dragon na lumilipad sa ibabaw ng matataas na bundok.

Nakikita ko ang sarili ko lumilipad, malaya, masaya.

Yun ang mga imahe na binibigay sa akin ng mga libro at istorya. Tapos biglang pag dilat ko ang makikita ko sa labas ng bintana, eh yung bulok na pader ng kapitbahay ng opisina namin tsaka yung tore ng papeles na kailangan kong ayusin para sa negosyo.

Ayoko na tuloy noon magbasa. Nasasaktan lang kasi ako.

Pero kahit na anong sakit, kahit na sinabi kong ayoko na, ako naman tong si adik, nagbabasa pa rin. Sinasaktan ko lang sarili ko, kasi alam ko naman na ganun ang epekto sa akin ng pagbabasa noon, pero sige parin ako.

Noon ko unang naintindihan kahit papano kung paano ang magmahal. Kasi susugod ka parin ng susugod, kahit alam mong masasaktan ka, kasi mahal mo yung ginagawa mo.

Noong mga panahong yun, wala pa kong ibang minamahal, kundi ang mga libro at kwento

Kaya, ang tulang nabuo:

the closest i could get to falling in love is through these books:

lifting these brown pages one
after another,
drowning into worlds painted
in ink,
i see not words but lovers
sharing a kiss under the
light of a flickering street light.

the closest i could get to a heart-break is when i turn the last page:

the sound of a book closing
screams of finality
and i cannot help but cry,
my heart yearns for the untold story beyond
the final word.
what happens after happily
ever after?

-love affair.
karren. 080907. 2300H.

Ate Celia, Breast Cancer Advocate: A Tribute

Enero 3, alas dos ng umaga. Naghuhukay ako sa laptop ng mga bagay na pwede kong isulat o tapusin. Gusto ko lang kasing magsulat bago ako matulog. Sa isang folder na nilalagyan ko ng mga ideya, konsepto’t kaisipan, nakita ko ang isang text file na ang label ay ‘The Running Horse’.

Binuksan ko ang file. Wala ni isang letra ang nakasulat.

Pero sa pagbukas ko ng file, pilit kong hinalughog kung ano ang buong mensahe ng tag na ‘running horse’. Naalala ko pa ang buong quote. Sabi, ‘The running horse does not know why it is running a race. It only runs because of the pain caused by the whip of its master. Life is a race. When we are in pain, then clearly, the Lord, our Master, wants us to win.’

Naalala ko din yung taong nagsabi nun.

Celia ang pangalan niya. Breast Cancer survivor noon si Ate Celia. Wala na siya ngayon.

Pero ganun pa man, sigurado ako, hindi sumuko si Ate Celia hanggang sa dulo.

Nakilala ko si Ate Celia sa Gift2Life, isang non-profit organization na naglalakbay sa lahat ng sulok at baranggay ng Pilipinas para ipalaganap ang kaalaman hindi lang tungkol sa Breast Cancer, kundi pati na rin sa buhay. Ito yung grupo kung saan ako vino-lunteer ng nanay ko. Wala akong breast cancer, pero miyembro ako ng Breast Cancer Awareness Advocacy group. Sa grupong ito, iba’t ibang uri ng tao ang makakasalamuha mo. Iba’t iba ang ugali, iba’t iba ang kino-contribute sa grupo, pero gayunpaman, grabe ang magic, kasi kahit sobrang magkakaiba kami, para kaming isang malaki at masayang pamilya.

Si Ate Celia yung isa sa mga breast cancer survivors na nagbibigay ng testimonial pagkatapos magsalita ni Doc Tina. Iku-kwento niya yung karanasan at saloobin niya tungkol sa pakikipaglaban niya sa breast cancer. Hindi kami masyadong nagkasama ng matagal, kasi bihira lang naman akong sumasama sa mga advox, pero yung maiksing panahon na kasama ko si Ate Celia, sapat na para matandaan ko siya habambuhay. Para sa akin kasi, bayani si Ate Celia.

Pag ipipikit ko ang mga mata ko para alalahanin si Ate Celia, ang maalala ko ay yung pag-singkit ng mata niya sa tuwing ngumingiti siya. Lagi kasi siyang nakangiti. Ang tumatak sa utak ko na lagi niyang suot ay yung polo shirt niyang pink, maong, tsaka rubber shoes. Laging naka-bonnet o naka-sumbrero si Ate Celia. Manipis lang ang buhok niya, boy-cut, dahil sa Chemotherapy.

Bilib na bilib ako hindi lang kay Ate Celia, kundi pati na din sa iba naming mga kasamahan na pumupunta sa harap para ikwento sa mga tao yung mga pinagdaanan nila habang nilalabanan nila yung isang karamdaman na alam nilang maaaring kumitil sa buhay nila.

Akalain mo yun, tapos na nga yung laban, tapos haharap ka pa sa maraming tao para ikwento ulet lahat. Ang sakit kaya nun. Parang hinahalukay mo ulet lahat ng sakit, lahat ng takot, lahat ng galit. Tapos makikita mo pa yung mga tao nakatunganga sa iyo. Yung iba naiiyak nalang para sa iyo, yung iba naman makikita mo awang-awa sa iyo.

Sa loob-loob ko, gusto kong tanungin si Ate Celia, pati na din sila Ate Lety, “Adik kayo?”

Paano naman kasi, nandyan na nga yung sakit niyo, tapos ibo-broadcast niyo pa sa mga tao na may ganun kayo. Kung sakaling nakaraos na kayo sa laban, bakit kailangan niyo pang ikwento yun ng paulit-ulit? Kasi hindi lang naman isang beses nangyayari ang advocacy. Sa isang taon, ilang advocacy ba pinupuntahan natin? Sa isang araw, ilang grupo ang pinagbibigyan natin ng advocacy?

Minsan dalawa o tatlo sa isang araw, at wag na natin bilangin yung sa isang taon.

Tapos sa lahat ng mga advocacy na yun, paulit-ulit-ulit-ulit mong ikukwento yung pinagdaanan mo?

Masokista ka, ‘te?

Buti nalang kamo, hindi umiral ang pagiging uchisera ko noon. Nakinig lang ako at nanood.

Naiinis ako ngayon kasi hindi ko na masyadong matandaan kung ano yung mismong kwento ni Ate Celia. Hindi ko na maalala kung ano yung mga mismong pinagdaanan niya kahit ilang beses ko ito narinig. Gusto ko pa man din alalahanin lahat ngayong gabi, kasi gusto ko siya bigyang papuri kahit matagal na siyang pumanaw.

Hindi na klaro sa akin ang buong kwento ni Ate Celia. May short term memory loss kasi ako eh. Hindi ko na matandaan ang mga eksaktong detalye, pero buhay na buhay parin yung mensahe ng kwento niya.

Ang natatandaan ko lang, teacher si Ate Celia. Naalala ko yun kasi nung minsang nagkasama kami sa kwarto, binanggit na sa akin yun habang tinutulungan ko siyang gumawa ng assignment ng anak niya. Ang natatandaan ko din sa kwento niya, alam ko tinago pa nya sa asawa niya yung sakit niya dahil natakot siya. Hindi mayaman sa pera sila Ate Celia noon, pero mayaman sila sa pananalig. Laging sinasabi ni Ate Celia, ‘God will provide’. Wala silang pera, dasal lang ang panlaban nila, pero sunod-sunod na milagro ang dumating sa buhay nila. Hindi naubos ang mga taong tumulong sa kanila, hanggang sa maidaos ni Ate Celia ang treatments niya.

Nagulat ako kasi ang kwento ni Ate Celia ang nagpatunay na hindi nauubos ang mga tao na maaaring tumulong sa iyo. Sabi ni Ate Celia, huwag lang daw tayo mahiya manghingi ng tulong. Huwag daw tayong mawalan ng pagasa, dahil meron at merong tulong na dadating.

Ako pa man din, napaka-taas ng pride. Si Ate Celia ang nagturo sa akin na hindi masamang magpakumbaba para humingi ng tulong. Si Ate Celia ang nagpaalala sa akin na madami paring mabubuting tao, kahit na kaliwa’t kanan ang mga garapal at salabusab dyan.

Sa tuwing tatawagin ang pangalan niya para magsalita sa harap, taas noo siyang lalakad papuntang stage, kukunin ang mic, at buong loob na ibabahagi ang kwento niya. Laging tumutulo ang luha ni Ate Celia sa tuwing magbabahagi siya ng kwento niya, pero nakangiti pa rin siya.

Sa tuwing makikinig ako sa testimonial ni Ate Celia at ng iba pang cancer survivors tulad niya (isa na dun si Ate Lety), parang lumolobo ang puso ko hanggang sa pakiramdam ko sasabog na ito. Pag kasama ko sila pakiramdam ko katabi ko si Lord. Kasi sa kanila ko naririnig yung mga totoong kwento ng pakikipagsapalaran, pananalig, at milagro. Hindi ko minsan mawari kung paano nagagawa ng mga taong ito na gawing isang malaking biyaya at inspirasyon ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay nila. Hindi ko mawari kung saan sila humuhugot ng lakas, ng tibay ng loob, at ng puso para harapin ang madaming tao at sabihin sa kanila na ‘Oo, nagkasakit ako. May sakit ako. Pero buhay ako ngayon, at masarap mabuhay.’

Hindi ko alam kung saan sila humuhugot ng tibay ng loob para ungkatin ng paulit-ulit yung masasakit na alaala para lang magbahagi ng mensahe sa mga tao.

At kaming mga nakikinig, hindi din maiwasang lumuha. Hindi maiwasang ma-elibs sa katatagan nila. Sa pananalig nila.

Humahanga ako dahil sa kabila ng karamdaman, humaharap sila sa tao para ibahagi kung gaano kasarap ang mabuhay. Sa kabila ng banta ng kawalan, humaharap sila sa maraming tao para ibahagi na marami pang natitirang mabubuting tao dito sa mundo.

Dadamayan ka, tutulungan ka, aakayin ka.

Wag ka lang mawawalan ng pagasa– sa buhay, sa kabutihan ng tao, sa kabutihan ng Panginoon.

Akala ko narinig ko na ng buo ang kwento ni Ate Celia. Pero nang minsang nagkaroon kami ng advocacy para sa mga high school students kung saan hindi niya pwedeng ibahagi ang (sordid details) ng kwento niya, nakarinig ako ng isang kasabihang hanggang ngayon ay hindi ko makakalimutan.

‘The running horse does not know why it is running a race. It only runs because of the pain caused by the whip of its master. Life is a race. When we are in pain, then clearly, the Lord, our Master, wants us to win.’

Panibagong aral na naman.

Elibs talaga ako dito kay Ate Celia. Kakaiba magisip. Paano ba niya nakuhang maging positibo sa kabila ng lahat ng hagupit ng latigo ng Panginoon? Paano pa niya naimbento itong kasabihan na ito? Sinong adik nga ba ang makakapag-isip pa ng isang inspirational quote habang puro kamalasan nalang ang nararanasan?

Adik tong si Ate Celia.

Pero tong adik na to, ang daming mabubuting bagay na binigay sa kapwa.

At saka totoo naman yung sinabi niya. Naging matatag si Ate Celia dahil sa naging karamdaman niya. Higit sa lahat, nagkaroon pa siya ng sapat na lakas at kabutihang loob para magbigay inspirasyon sa mga taong hindi naman niya kilala.

Napakataba ng puso ni Ate Celia. Napakatatag ng loob. Napakatibay ng pananalig.

Ito yung mga mensahe na habambuhay tatatak hindi lang sa grupo namin, kundi pati na rin sa lahat ng taong nakarinig ng kwento niya. Wala na si Ate Celia, pero ang mensahe’t alaala niya, buhay na buhay. Hanggang sa pinakahuling sandali, alam ko, sigurado ako, hindi nawalan ng pananalig si Ate Celia.

Sana panatilihin nating buhay hindi lang ang alaala ni Ate Celia, kundi pati na rin ang kwento niya. Wag natin sayangin yung pinaglaban ni Ate Celia nung kasama pa natin siya.

Tuloy-tuloy lang tayo, Gift2Life.

Patuloy tayo sanang magbigay ng inspirasyon sa mundo.

Ate Cel, salamat ah.

Walang Makikialam

Bago manaig ang dilim sa liwanag,
Bago itulak ng buwan ang araw,
Bago tuluyang lumamig ang simoy ng hangin,
Bago tuluyang kumapal ang mga ulap,
Bago magsara ang taon,
Bago pumasok sa panibagong hamon ng buhay,
Bago tuparin ang mga pangarap,
Bago bumili ng havaianas,
Bago umalma ang langit at lupa,
Bago mag-isa ang liwanag at dilim,
ang itim at puti,
ang luma at bago,
ang puso at pangarap,
Bago ang lahat,

Isang deklarasyon:

B, mahal kita.

Blog: Slum Book Politics: “You Sign Mine, I Sign Yours”

Naaalala ko pa nung bata ako, mahilig akong pumirma sa mga autograph book ng kaklase ko. Uso kasi yan ‘pag mga bandang grade 2 o grade 3 ka na. Pag tumungtong ka sa ganyang edad, bigla ka nalang magyayaya sa nanay mong pumunta sa bookstore, para magpabili ng pinaka-bongga, pinaka-makapal, at pinakamaraming tanong na slum book. Kapag meron ka niyan, ‘In’ ka. Kapag wala, ay sorry ka. Swerte mo nalang kung papirmahin ka ng iba sa slum book nila, kasi ang unspoken na pulitika ng slum book signing ay ‘You sign mine, I sign yours.’

Minsan nga, nakaka-offend pa kapag pinapirma na ang lahat ng kaklase mo, tapos ikaw hindi pa. Kaya ayun, bibili ka ng sarili mong slum book, ikaw ang unang pipirma, at kinabukasan, pasimple mo itong ilalabas sabay tabi sa lintek na babaeng hindi nagpapirma sa iyo. Siya naman ‘tong si tanga, maiinggit sa mas maganda at mas bago mong slum book. Take note. Naka-karton pa. Bigla ka niyang didikitan na tila mag-best friend kayo since birth.

“Uy! Ang ganda naman niyan! Kailan ka bumili?”

“Kahapon lang. Busy kasi si mama kaya hindi kami makapunta ng bookstore agad,” ang iyong kaswal na sagot, pero sa totoo lang, kumakawag na ang kamao mo sa utak mo, at sumisigaw ka na ng malutong na ‘Yes!’.

“Bagong design yan ah!”

“Ah, oo.”

“Sinong papapirmahin mo dyan?”

Bigla mong naisip ang hindi masyadong sikat mong kaklase. “Ah.  Si Katrina.”

“Ha? Siya? Bakit siya?”

Lintek ka, kasi mas nauna mo pa siyang pinapirma kaysa sa akin, e mas sikat ako sa kanya. “Ah, kasi close kami eh.”

“Ah, ganon ba?” Tapos kunwari siyang mag-aayos ng palda, lilingon sa buong classroom na tila nagmamanman kung may makakakita, at nung napansin niyang wala… “Gusto mo ako nalang ang unang pumirma dyan? Close din naman tayo diba? Eto o. Pirma ka din sa akin.”

Victory.

Kung iisipin mo, bata ka palang, nakikipag-labanan ka na para sa social status. Kapag pinapirma ka sa slum book ng pinaka-sikat mong kaklase, aba’y sikat ka na din. Kapag hindi, feeling mo ikaw ang ‘odd-man-out’, kaya maghihiganti ka’t bibili ng slum book na ikaiinggit ng di umano’y sikat mong karibal sa atensyon.

Hindi ko din alam kung bakit ako nakikipagpatayan para sa autograph book noon eh. Alam ko nga marami pa sa mga kaklase ko ang nagkakatampuhan kasi hindi sila pinapirma. Isa siguro ito sa mga phenomenon na hindi ko maiintindihan. Kasi pag tumanda na naman, nawawalan na ng magic yung slum book. Nawawalan din ng ganang pumirma yung mga tao.

Pag bata siguro, parang nandun pa yung kiliti sa idea na nagbibigay ka ng impormasyon sa tao. Naibabahagi mo yung mga bagay-bagay tungkol sa sarili mo na hindi mo naman madalas masabi sa kwentuhan. Naibabahagi mo yung mga pananaw mo sa buhay (What is your motto), mga gusto mong mangyari sa buhay mo (What is your ambition?), nagkakaroon ka ng pagkakataon na gumawa ng intriga (Who is your crush?), nagkakaroon ka ng pagkakataon na sabihin ang gusto mong sabihin sa taong may ari ng slum book (Message to owner), at pag minsan sa pagbabasa ng iba pang mga entry, nagkakaroon ng pagkakataon na matuklasan ang mga trip ng ibang tao (What are your hobbies, likes and dislikes… mga ganung chorva).

Ang sarap lang din naman kasi sumagot sa mga tanong eh. Sa loob ng ilang sandaling sumusulat ka sa slum book, pakiramdam mo importante ka, kasi ang daming bagay tungkol sa iyo ang hinihingi. Para kasing ang sarap isipin na interesado sa iyo at sa isusulat mo yung tao; ang sarap isipin na gusto kang makilala nung taong nagpapirma sa iyo sa slum book niya. Nandun na din siguro yung idea na masarap lang talagang sumagot ng mga tanong tungkol sa sarili.

Kahit ngayong matatanda na tayo, pumapatol pa tayo sa mga post na nagtatanong ng mga trip at hindi mo trip, diba?

Lahat naman siguro tayo entitled na magkaroon ng Moment of Narcissism, na kung saan gusto mong magbalandra ng impormasyon tungkol sa sarili mo kahit hindi naman nila hinihingi.

Ganun din siguro pag bata ka. Bukod pa sa social status yan pag nasa elementary ka. Pagandahan ng slum book. Ako nga noon, iniyakan ko pa nanay ko para bilhan ako ng slum book na bonggang bonggang makapal. Ang mga pumirma mga kaklase ko na hindi ko na matandaan kung sino. Pati mga pinsan ko nagpatayan dahil gusto din daw nilang pumirma sa slum book ko. Sikat ako nun eh, kasi ang ganda ng slum book ko. Makapal, hard-cover, ringbound, at glossy yung papel. Samantalang yung iba, parang notebook lang ng Sterling.  San ka pa?

Ni isa naman wala akong natandaan sa mga pumirma dun.

Para san ang slum book? Remembrance? Siguro para sa ilang semimental- este- sentimental na tao, tlagang itatago nila yung mga slum book nila para maalala nila yung mga tao. Pero ako… wala talaga akong natandaan. Ni yung mga may-ari ng mga slum book na pinirmahan ko hindi ko na matandaan. Malamang hindi na din nila ako natatandaan diba?

At ang naaalala ko, lagi akong nanggagago pag sumasagot ako sa slum book. Siguro sadyang ugali ko na talaga na hindi magbigay ng impormasyon tungkol sa sarili ko. Lalo na sa mga taong wala akong paki-alam.

Ganito ako magsulat sa Slum Book noon. (Na siyang dahilan ng pangwawarla sa akin ng best friend ko. Inaksaya ko lang daw yung pretty pages ng autograph book niya.)

Bonggang Bonggang Disney Autograph Book

Name: Karren Renz Sena y Paulino (Take note: Double ‘R’ ang ‘Karren’ ko)

Nickname: Renz, RR, Aki, Macho

Age: Average life span minus 59 summers

Address: NPA

Telephone: 911-1111, 0916-8-7000

Religion: Catholic

Sex: Female with overdose of testosterone

Nationality: ½ Filipino, ¼ Japanese, 1/8 Pomeranian, 1/8 Shih Tzu

Hobbies: P.E.D.R.O.S. (Playing, Eating, Dreaming, Resting, Overtime, Sleeping – modified nalang yan, kids)

Motto: Aanhin pa ang bato kung durog na ang kamao.

Likes: Death and destruction, violence, goth, anime, night sky, sunsets, Hey Arnold, Squidward, gay porn, yaoi,  water, war movies, astronauts, water sports, scuba diving

Dislikes: You

Who is your crush? Bakit ko sasabihin sa iyo? Close ba tayo?

Your first kiss? Yung totoo o yung sa pangarap?

Who is your first love? Bakit ba namemersonal ka na? Kelangan bang isulat ko dito ang buong pangalan ni JLT?

Describe your first love: Retarded ng bonggang bonggang retarded

What are your aspirations? Aspirations? Di ba yun yung Ingles ng pawis?

What are your goals? Goal ko ang matapos ang Final Fantasy VII Crisis Core ng hindi siya natatapos ng bonggang bongga. Ayaw ko pa siyang matapos kasi pak tapos na, wala nang joy.

Define ‘Love’:  Ang paborito kong sagot dito? “Love is tanga. Nandyan na hindi pa makita. Wala na, hinahabol pa.”

Message to owner:

Dear Friend,

J – ust                          I – I
A – lways                    T – rust
P – ray                         A – nd
A – t                              L – ove
N – ight                       Y – you

Take care ‘coz I care! Friends Forever tayo ha!

Your friend,
Friend

Blog: Dahil Pagminsan, Kume-Kpop Din Ang Balahura

High school palang ako, Japan na nagmamay-ari ng puso ko. Anime, manga, JRock, JPop, JDrama… at kung anuano pang J ang kinaadikan ko. Ngayon, alam naman nating lahat na huminto ako pansamantala sa MA ko sa Comparative Literature para magpaalipin sa salitang Nihongo. Gumigisin ako ng bago mag alas siyete araw araw para magsulat at magsalita ng Hapon. Kahit makasalan para sa kin ang bumangon bago mag-alas otso, napagisip-isip ko din na paminsan, nararapat lang na magsakrpisyo para sa pangarap.

O baket, pangarap kong maging Japayuki. Ano, may reklamo ka?

Ehm. Pero ganun pa man, paminsan-minsan hindi ko ding maiwasang makinig sa kung anong uso, at hindi natin maipagkakaila na sinasalakay na ng mga Koreano hindi lang ang airwaves, pati na rin ang mga music channel. Nandyan ang 2ne1 (Dara na daw si Sandy), SNSD (grupo ng siyam na babae na may mga legs na kasing haba ng forever), DBSK (grupo ng mga lalake na gusto kong makasama forever, kung pwede lang), SuperJunior (ewan ko ba kung pano nagkasya sa isang grupo ang labing tatlong lalake, pero in fairness, magaling sila), at syempre, nandyan ang Wonder Girls (I want nobadeh nobadeh batchu!). Eh dito palang sa bahay eh, hindi lilipas ang araw ng hindi pinapakinggan ang ‘Chocolate Love’ ng SNSD ng mga 532 times a day. Sino ba naman ang hindi madadale, kahit pa kaunti lang.

Yung kabarkada ko din kasi, Reyna-reynahan ng Kpop.  Siya din ang isa sa mga organizer ng pinaka-unang Kpop Convention dito sa Pinas. Tulad ng ibang mga Pinoy Fan Communities, hindi masyadong napapansin ang Kpop Community sa global network. Oo, nandyan sila, oo wild sila, pero hindi maipagkakaila yung katotohanan na ni minsan wala pang ni isang Kpop (o kahit Jpop) na grupo na pumunta dito. Para bang dinadaan-daanan lang tayo, eh hindi ba nila alam na ang Pinoy pag nag-adik, daig pa ang pinaka-malupit na durogista? Susmaryosep. Ilang beses pinapatugtog ang ‘Nobody’ sa isang araw?

Nung mga panahong ginagamit ako ng kaibigan ko na papangalanan kong ‘Mishi’, para magsulat ng ilang ads at press release para sa Kpop Convention, hindi ko maiwasang matuwa, kasi pansin ko talagang hindi magpapatalo ang mga Pinoy. Pag may gusto talagang gawin, talagang gagawin eh. Talagang gagawan ng paraan. Maliit lang ang kpop community, pero nagawa nilang mag-organize ng bonggang bonggang event na hindi lang para sa sarili nila, para sa Gawad Kalinga pa.

Sige, sabihin na nating, Kpop fans lahat ng dumumog sa event. Pero ang mga ‘forces’ sa likod ng event na yun, yung mga nagplano’t tumulong para maging posible ang ganun kalaking event, nakaka-bilib. Maliit lang ang budget nila, pero dahil nagtulong-tulong lahat ng fan clubs, nagawa nilang makukuha ng madaming sponsor para sa proyekto nila sa Gawad Kalinga. Higit isang libong tickets ang nabenta, at madami ding nagpatayo ng mga booths. Lahat ng proceeds alam ko pupunta sa GK. Pano ko nalaman? Ni sinkong duling kasi ayaw gumastos ng kaibigan ko, kahit pa venue libre, kasi lahat yun ibibigay nila sa charity. Eh ako nga hindi binabayaran eh. (Haha). Natuwa din ako kasi yung mga booth doon, nagparticipate at nagbayad. Sabihin man nating kumita sila, yung pinangbayad nila para sa booth, mapupunta din sa charity.

Nakakatuwa lang, kasi may chance nang mag-conglomerate ang mga super enthusiastic fans ng kpop, nakatulong pa sila.

Pumunta din ako sa Kpop Con, kasi unang una, yung utol ko eh nag-aadik. Pangalawa, inutusan akong maging ‘fotographer’ at writer ni Mishi (pero wala din naman akong masyadong matinong kuha). Pangatlo, magpe-perform sa event yung alaga kong Mentalist na trip na trip akong gawing Manager, Road Manager, PA, at photographer pero hindi naman ako binabayaran. O siya, sige, punta ako dun para makatulong na din ako. Tutal, nadamay na din naman ako sa preparasyon, tuloy-tuloy na.

Pag pasok ko sa Star Bazaar, hindi ko alam kung mawiwindang ba ko o masisiraan ng bait. Dahil bonggang bonggang wild ang mga tao. Unang una, nawindang ako sa mga costumes. Sabihin man nating hindi mukhang koryans yung cosplayers, astig pa rin yung costumes nila. Nandun yung ‘illusion’ ng grupong ginagaya nila. Tuwang tuwa naman ako’t nakita ko ang SNSD cosplayers na pinagpipipicturan ko kahit hindi ko pa nakukuha ang ‘MEDIA’ i.d. ko (na ninenok ng nasasasabing Mentalist). Nandun din ang 2ne1. Wala yata akong napansin na boy band, pero nagfa-flash sa screen ang mga music videos nila, na siya namang tinitilian ng mga tao. Ang comment nga ng kasama kong si Jeff, ‘Parang wala sa mga ipod nila eh no.’

Pabayaan nalang. Fans eh. Naiintindihan ko sila kahit papano kasi kung si Mizushima Hiro o kaya si Mark Feehily (ng Westlife… Oo hindi siya konektado, I know) ang naka-flash sa screen, malamang nag roll-over ako dun.

May moment pa na biglang na-hype ang sangkatauhan. Biglang nagtilian at the top of their lungs tapos nag converge sa iisang booth. Puro flash ng camera ang nakikita ko. Tulakan to the max. Ako namang si ‘MEDIA’, nakipagtulakan din dahil karapatan at tungkulin kong picturan ang sinumang celebrity na dumating. Pero nung nakita ko kung ano ang pinagkaguluhan, parang nanghina ako’t ginustong mag eggroll. Sumakit ang bangs ko ng bonggang bongga. Napakamot nalang ako sa ulo, at bumalik kung san naroon ang mga kaibigan ko.

Sige, aamin akong medyo fan na din ako ng Kpop. Pero hindi sa puntong makikipagpatayan ako’t magtiti-tili para sa isang hamak na life-sized cardboard ng kpop personality.

I’m very sorry.

Pero in fairness, kahit naloka ako sa nangyari, natutuwa naman ako sa kanila. Nakakatuwa ang enthusiasm ang pagaadik nila sa Kpop. Sa tuwing may mga cosplayers na magsasayaw ng mga kanta ng idol nila, sobrang hype, sobrang tilian. Para bang yung mismong mga idol na nila yung sumasayaw sa harap. Parang natuklasan ko din na ang mga ganitong convention talaga may illusion, may magic. May dominanteng ere na bumabalot sa lahat ng tao, kaya lahat sila parang may mga kitikiti sa pwet. Lahat ng ngiti kumukuti-kutitap. Wala man sila sa Korea, wala man yung mga idol nila, nandun yung mga cardboard at costumes na tumutulong sa pagbubuo ng ilusyon.

Tsaka bilang fan, alam ko kung ano ang pakiramdam na makasama ang mga kapwa mo fan. Masarap mag-adik kasama ang mga kapwa mo adik.

Para akong bisita sa con, kahit na may access ako sa kahit anong sulok dahil sa kumikinang kong ‘MEDIA’ id (na hindi ko na masisilayang muli). Hindi ko mundo yun, pero natuwa naman ako’t naging parte ako ng hype kahit papaano. Mula sa preparasyon (pagsulat ng ads at press release at memorandum, pati pag-asikaso sa alagang artista), hanggang sa mismong pagpunta sa convention (pagkuha ng litrato ng mga cosplayers, at ng alagang artista), nagpapasalamat din ako’t nabigyan ako ng pagkakataong makisama sa proyekto na hindi lang para sa fangirls, para na din sa mga tunay na nangangailangan ng kalinga.

Hindi ko minsan naisip na ang isang event ng pag-aadik ay pwede din palang lagyan ng lalim. Nagiging event din ito ng pagtulong.

Sana, mas marami pa. Kahit na magsipag-sigawan sila sa cardboard, sige, pipicuturan ko na din pati yung mga cardboard. In fairness, pogi naman kasi.

Manong, Para Dyan sa Tabi

Naalala ko, minsan nung naguusap kami sa History class, nabanggit ng prof namin na maraming ugali ng Pinoy ang lumabas pag nakasakay sa jeep. Basta parang ganun yung gusto niyang sabihin. Konti lang yung example na binigay niya, pero sapat na yun para patakbuhin yung malikot kong utak. Marami kang mapapansin eh, tulad nalang ng layout ng jeep. Tipong magtatabi-tabi talaga yung mga tao, magkaharap ang dalawang helera. Mas may contact, kung baga. Hindi tulad ng sa bus, iba iba ng pwesto; kahit sabihin mong magkakasunod, parang lahat kayo nakatingin sa iisang direksyon. E sa jeep, F to F.

Face to face.

Ng bonggang bongga.

Ayun. Nasan na naman ako? Takteng kabaklaan yan o.

Ah, sa jeep.

Nandyan na din yung simpleng aksyon na pag-abot ng bayad kay Mamang Tsuper eh. Hindi na natin masyadong napapansin, pero diba, parang pahiwatig na din yun ng pagbigay ng konting tulong sa taong hindi mo naman kilala? Pag nakakakita ako ng taong hindi nag-aabot ng bayad sa jeep, pakiramdam ko napaka-inutil niya’t walang modo. Tulad nalang kahapon eh. Nasa may bandang dulo ako, sa bandang sakayan ng jeep. Yung isang mama, nasa likod na halos ng tsuper. Tapos may sumakay sa gitna naming dalawa. Natural lang naman na yung bagong sakay ay magpaabot sa kanya ng bayad. Eh halos mabali na yung kamay nung ale sa kakaabot sa driver, ni hindi man lang siya tinulungan nung isang pasahero. Nakakapikon ah. Ano ba naman yung iangat mo ng konti yung kilikili mo para iabot sa driver yung bayad ng babae? At bakit ka uupo dyan sa malapit sa driver kung hindi mo trip mag-abot ng bayad? Simpleng bagay, pwede ba!

Ay umiinit ang ulo ko. Kapikon kasi eh. Pakiramdam ko wala kang karapatang sumakay sa jeep kung wala kang interes na magabot ng bayad ng tao. At kung wala naman, dun ka umupo sa pinakadulo. Yung tipong isang swerve lang ng jeep, pwedeng pwede kang tumalsik palabas, leche kang inutil ka.

Simpleng magaabot lang ng bayad, hindi mo pa magawa. Dun ka sa taxi sumakay, leche.

Jeep na din siguro ang transportasyon kung saan nagkakaroon ng pinaka-intimate na body contact ang mga nakasakay. Oy! Pwedeng paki-linis ng utak mo! Walang porno sa jeep! Ang ibig sabihin ko lang, nagkakaroon ng bonggang bonggang body contact, kasi nandyan yung katotohanan na pipilitin ng jeepney driver na pagkasyahin ang sampung pasahero sa upuang siyaman lang.

Tipong, ‘Heller, kuya. Tae ka, ikaw kaya umupo dito.’

Contact kung contact eh. Kanina lang, super contact na kami ng katabi ko, sobrang gusto ko talaga siyang itulak ng bonggang bongga kasi alam mo yung basa siya ng pawis? Urong na ko ng urong papalayo sa kanya, kaya lang ang sama na ng tingin ng nasa kanan ko eh. Naiipit na yata siya ng bonggang bongga. Pero kasi. Alam mo yung basa ng pawis yung nasa kaliwa ko? Tapos papasok ako sa school? Sobrang… naiintindihan ko naman na necessary evil ang body contact sa jeep, pero alam mo yung basa sya ng pawis?!

Alam kong medyo sign of ‘togetherness’ ang makikita mong scenario sa jeep. Pero pwede bang yung ma-eexperience kong together-ness ay yung tipong hindi basa ng pawis?

Affected ako eh. Iba eh. Ibang uri ng contact yun eh.

So umurong ulit ako pakanan. Naisnab na ko ni Ate sa kanan ko. Pero pocha. Sige, sya ang tumabi sa pawising mister! Epal.

So. Contact. Togetherness. Sa loob ng jeepney. Ang sabi dati ng prof ko, parang ‘family’ daw. Yung idea na isang malaking pamilya ang mga Pinoy, at nakikita ito sa loob ng jeep.

Ang tawag ko dito, lalo na pag basa ng pawis ang katabi mo, ‘Hassle. Bonggang bonggang hassle.’

Dalawang obserbasyon lang yan. Siguro may part two pa ito pag ginanahan pa ko. Kasi may bonggang bonggang kwento pa ako tungkol sa pagsakay ng jeep.

Pero sa ngayon, eto muna.